PAG-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng apat na malalaking transport group na magtaas-pasahe.
Ayon kay LTFRB chairman Asec. Teofilo Guadiz, nasa P2 ang hiniling para sa pampasaherong jeep sa unang apat na kilometro.
Dagdag pa ng opisyal, kinikilala ng ahensiya ang karapatan ng mga operator at tsuper na nais maghain ng panukala ukol dito.
Pero, marami aniyang tingnan at balansehin hinggil sa hiling na taas-pasahe.
Ani Guadiz, naiitindihan niya nais ng mga tsuper at operator lalo’t tuluy-tuloy ang pagtaas-presyo sa produktong petrolyo ngunit kailangan aniya itong pag-aralan ng mabuti at mai-review ng board.
Kamakailan lang nang magtungo ang ilang transport group tulad ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Stop & Go Transport Coalition Inc., at FEJODAP upang hilingin ang P2 taas-pasahe.
Sa oras naman na aprubahan ng LTFRB ang hiling ng ‘Automatic Fare Increase’ magiging P14 na ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P12.
Bukod pa ito sa hiniling na surcharge fee o taas-pasahe tuwing rush hour ng iba pang transport groups.