ISINUSULONG ng Philippine Medical Association (PMA) sa pamahalaan na mag-organisa rin ng hiwalay na national COVID-19 vaccination day para sa mga bata.
Ayon kay PMA President Dr. Benito Atienza, magandang magkaroon ng ibang schedule ng Bayanihan Bakunahan para sa mga bata para walang mairason ang mga magulang na hindi madala sa vaccination sites ang kanilang mga anak.
Ani Atienza, ito ang naging suhestiyon ng mga doktor sa naganap nilang town hall meeting dahil maliban sa may mga magulang na nag-aalangan pa na pabakunahan ang kanilang mga anak, marami rin ang hindi makaliban sa trabaho.
Matatandaang noong nakaraang national vaccination days, hindi namarkahang absent ang mga lumahok na empleyado.
“Sinuggest po ng Philippine Medical Association na dati ay nagkaroon tayo ng National Vaccination Day na nagpapabakuna tayo ng 2.7 million. Ngayon po ang kailangan nating bakunahan is mga 12 to 13 million na kabataan na belong to 5 to 11 years old po,” pahayag ni Atienza.
Maliban dito, ani Atienza iminungkahi rin mga doktor na magkaroon din ng hiwalay na venue ang pagbabakuna sa mga bata.
Aniya, may palatandaan ang mga COVID-19 vaccine para sa mga bata at adult ngunit upang masiguro na hindi magkakahalu-halo mga ito mas magandang iba ang venue ng pediatric vaccination.
Iminungkahi rin na sa araw ng pagbabakuna sa mga 5-11 years old dapat may pang-entertain sa mga bata tulad ng mga video upang maiwasang mainip ang mga ito.
Nilalayon ng pamahalaan na simulan ang mga pagbabakuna para sa mga batang may edad na 5 hanggang 11 sa Pebrero 4.
BASAHIN: Pangamba sa posibleng epekto ng COVID-19 vaccine sa mga bata, pinawi ng DOH