NADISKUBRE ng Hong Kong ang bagong variant ng COVID-19 sa isang pasyente na bumiyahe pabalik mula sa Pilipinas noong Disyembre 22.
Ayon sa health officials ng Hong Kong, naitala nitong Martes ang apat na kaso ng new variant sa kanilang bansa kungsaan isa na rito ang isang 30-anyos na babaeng Hong Kong resident na bumiyahe pabalik mula sa Pilipinas.
Itina-tag ang pasyente bilang case 9003.
Ayon sa health officials, dumating sa Hong Kong ang pasyente noong Disyembre 22 mula sa Pilipinas sakay ng flight PR 300.
Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakipag-ugnayan na ang kanilang ahensiya sa International Health Regulations (IHR) focal point of Hong Kong para humiling ng karagdagang detalye sa nasabing ulat.
Kinukuha namang ng Department of Health (DOH) ang flight manifest ng PR 300 at nangakong ipagbigay alam ito sa publiko kapag nakumpleto na ang makuha nilang impormasyon.
Kilala ang bagong COVID-19 variant bilang B.1.17 na unang nadiskubre sa United Kingdom na pinaniniwalaang 70% na mas nakahahawa.
Sa ngayon ay naiulat na nagsimula na itong kumalat sa mundo kungsaan nagpatupad na ang Pilipinas ng travel ban mula sa 21 bansang may kaso na ng nasabing bagong variant ng virus.