INANUNSYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno “Domagoso na pansamantala munang ititigil ang pagtanggap ng bagong non-COVID-19 OB patients sa Justice Jose Abad Santos General Hospital sa lungsod.
Ito’y dahil lumagpas na ang naturang hospital sa kapasidad ng occupancy rate nito na umabot na sa 233 percent.
Ayon sa alkalde, wala pang katiyakan kung hanggang kailan ang nasabing pagpapatigil sa pagtanggap ng mga manganganak sa ospital.
Aniya, hahayaan muna na mabawasan nang lubusan ang mga pasyente sa ospital para mapanatili ang physical distancing at maprotektahan pati ang mga staff mula sa sakit na COVID -19.
Dagdag pa ni Domagoso, maaari naman dalhin ang iba pang pasyente sa Gat. Andres Memorial Medical Center.
Nabanggit din Mayor Isko na merong anim na pasyente ang naghihintay para isailalim sa cesarean section pero aniya ay iisa lamang ang operating room ng JJASGH maliban sa operating room na para lamang sa COVID-19 patients.