NAIS ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na dagdagan ng 9.8 bilyong piso ang pondo para sa hotel accommodation at iba pang pangangailangan ng mga Returning Overseas Filipinos (ROFs) na isinailalim sa mandatory isolation.
Sinabi ni OWWA Chief Hans Cacdac na ang 6.2 bilyong piso na budget na ibinigay ng kongreso para sa 2021 ay maaaring mabawasan sa Abril, bunsod ng malaking halaga ng pag-maintain sa mga hotel quarantine facilities para sa mga nagbabalik na mga Pinoy.
Ayon kay Cacdac, ang pinaka mahal na halaga ng hotel ay nasa 3,000 kada gabi depende sa class ng hotel at mayroon namang nasa 10,000 ROFs sa ngayon at gumagastos aniya ang OWWA ng nasa 30 milyong piso kada araw.
Sa ngayon, sinabi din ni Cacdac na nakapag-uwi na ang OWWA ng nasa 470,000 OFWs sa mga probinsya simula nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon.
Simula Enero ng kasalukuyang taon, mas nadagdagan ang gastusin ng OWWA ani Cacdac dahil sa nagpatupad ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ng bagong protocol kung saan kailangang sumailalim ng mga returning OFWs sa swab test sa ika-lima o anim na araw ng pagdating ng mga ito sa bansa.