Hotels bilang quarantine facilities, iginiit na hindi maaaring tumanggap ng staycation guest

BINIGYANG diin ng Department of Tourism (DOT) na hindi maaaring tumanggap ng “staycation” guests ang mga hotels na nagsisilbing quarantine facilities.

Giit ni DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat, maaaring ipasara ang mga quarantine hotels na nag-akumoda pa rin ng staycation guests.

Sa katunayan anito, mayroon na silang ng hotels na nabigyan ng warnings at kung muling mahuli ay tuluyan nang ipasasara.

Kasabay nito naglabas din ng listahan ang DOT ng mga hotels na maaaring tumanggap ng staycation guests kung saan kabilang ang Grand Hyatt, Makati Shangri-La, Okada Manila, Shangri-La the Fort, Nobu, Joy Nostalg Hotel and Suites Manila, EDSA Shangrila Manila, Solaire Resort, Hyatt Regency City of Dreams, The Peninsula Manila, Nuwa Hotel City of Dreams, Aruga By Rockwell, Sherton Manila at Hilton Manila and Hotel Okura Manila.

Ayon naman sa kalihim, maaari naman mag-apply ang pang 4 o 5 star hotels ng lisensya upang makapag-operate bilang staycation hotel.

Ngunit mariing iginiit nito na pipili lamang ang mga hotels kung mag-ooperate bilang ng leisure hotel o quarantine facilities at hindi maaaring pareho.

Desisyon kung sususpendihin ang City Garden Grand Hotel, ilalabas ngayong linggo

Ilalabas na ngayong linggo ang pinal na desisyon kung sususpendihin o hindi ang City Garden Grand Hotel sa Makati City kung saan natagpuan patay ang flight attendant na si Christine Dacera.

Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa virtual press conference.

Ayon kay Puyat, noong Biyernes ng tumugon sa show cause order na kanilang pinadala ang nasabing hotel.

Ang hotel ay nahaharap sa imbestigasyon dahil sa pagtanggap ng guest para sa leisure purposes kahit sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ipinag-utos ni DOT Regional Director Woodrow Maquiling Jr. kay City Garden Grand Hotel General Manager Richard Heazon na magpaliwanag kung bakit patuloy ang kanilang pagtanggap ng guests kahit nakatalaga sila bilang quarantine o isolation facility.

SMNI NEWS