GAYA ng inaasahan ng Commission on Elections (COMELEC) na bago magtapos ang buwan ng Nobyembre ay maide-deliver na sa kanila ang lahat ng makinaryang gagamitin para sa National, Local at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Elections.
Ngayong araw ng Miyerkules ay nasa warehouse na ng komisyon sa Laguna ang huling batch ng mga gagamiting Automated Counting Machines (ACMs).
Gaya ng mga naunang dumating na makinarya, isasalang sa hardware acceptance test ang mga ito ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia.
Ang pagte-test sa mga makina ay inaasahan naman nilang matatapos sa Disyembre.
“Ang kahalagan ng mas maagang delivery dito sa Biñan Laguna ay mas maaga nating matatapos ang hardware acceptance test. Tatandaan ng lahat na ang 110,620 na makina ay iha-hardware acceptance test. Aalamin kung anong kulang, kung meron man. Kumpleto ba ‘yong lahat ng gamit na kinakailangan na makita mismo sa makina at the same time ite-test ‘yong lahat ng mga feature sa ng makinang ito. Meron din tayong 5 percent na tinatawag na stress test at randomize na pinipili,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Ayon kay Garcia, nasa dalawang libong makina ang dinala nila ngayon sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa gagawing demo.
Bahagi ito ng programa ng komisyon para sa voter education.
“So, asahan niyo po, mula December 02 to January 30, uulitin ko po mula December 30, pupunta ang mga local COMELEC natin sa mga kababayan natin upang maidemo sa kanila ang pagamit ng makina. At sa kanila mismo ma-experience ‘yong ating mga makina at malaman nila kung papaano ito ginagamit,” dagdag na Garcia.
Matatandaan na ang mga makinang gagamitin sa halalan ay nirenta mula sa South Korean Firm na Miru Systems.
Ibig sabihin, hindi na gagamit ang komisyon ng mga dating makina na mula sa Smartmatic.
Una namang sinabi ng COMELEC na sa kabila ng mga petisyon na nagpapawalang bisa ng kontrata nito sa Miru ay tuloy ang preparasyon ng komisyon para sa halalan gamit ang mga ACM ng naturang kampanya.
Ito ay dahil hanggang ngayon ay wala naman silang natatanggap na Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema.