Huling COMELEC presidential at  vice-presidential debates, ipinagpaliban

Huling COMELEC presidential at vice-presidential debates, ipinagpaliban

 

INANUNSYO ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi muna matutuloy ang kanilang huling presidential at vice-presidential debates na nakatakda na sana bukas, Abril 23-24.

Ito ay dahil hindi pa bayad ang kompanyang kinuha ng COMELEC para mag-ayos ng lugar na pagdarausan ng debate sa Sofitel Hotel.

Kinumpirma ni COMELEC Commissioner George Garcia na matutuloy pa rin ang debate sa Abril 30 hanggang Mayo 1 na ioorganisa kasama naman ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Paliwanag din ni Commissioner Aimee Ferolino, hindi bahagi sa kontrata sa pagitan ng Impact Hub at Sofitel Hotel ang COMELEC, pero sa kabila ng mga gusot ay pagsisikapan nila ito na maayos.

Nabatid sa demand letter ng Hotel Sofitel na ilang beses silang pinadalhan ng talbog na tseke ng kompanyang Impact Hub.

Umaabot na rin sa P14-M ang utang ng Impact Hub sa Sofitel  mula sa kabuuang P20.5-M na kontrata.

Binigyan din ng huling taning ng Sofitel hanggang alas-12 kahapon ng tanghali ang Impact Hub upang mabarayan ang obligasyon, at kapag hindi ay maaaring hindi na matuloy ang debate alinsunod sa kontrata.

Sinabi naman ni Commissioner Garcia nitong mga nakalipas na araw lamang na personal nagpunta ang representante ng Sofitel upang sabihin na meron ngang tumalbog na tseke ang Impact Hub.

Humingi naman ng tulong ang naturang hotel sa COMELEC para makakolekta kahit hindi bahagi ang naturang ahensya sa kontrata.

Kinumpirma naman ni Commissioner Rey Bulay na kahit isang kusing ay walang ginastos ang COMELEC sa nagdaang debate kasama ang Impact Hub.

Kung ano man aniya ang naging nilalaman pa ng kontrata at kasunduan sa pagitan ng COMELEC at Impact Hub hinggil sa partnership nito sa Vote Pilipinas ay kanila pang pag-aaralan lalo na karamihan sa mga kasalukuyang commissioner ay bago lamang itinalaga.

Samantala, nagbigay naman ng babala si Bulay sa mga nagkokomento ng public opinion hinggil sa mga akusasyon na ang COMELEC ay may kinakampihan na kandidato at mandaraya.

Giit ng opisyal, hindi siya magdadalawang isip na kasuhan ang gumagawa ng ganitong paratang dahil ang hangarin lang nila sampu ng kanyang mga kasamahan sa committee at chairman ay isang credible at malinis na halalan sa Mayo 9.

Pangako ng COMELEC, hindi lalampas sa araw ng Lunes ang iba pang detalye na gagawin para sa debate ng KBP.

Follow SMNI News on Twitter