TINAPOS na ngayong araw ng Philippine National Police (PNP) ang huling coordinating meeting nito sa mga pangunahing ahensiya at mga tropa ng pamahalaan na kalahok sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay PNP director for operations Police Major General Valeriano De Leon, wala naman halos pagbabago sa mga nauna nang plano ng PNP para sa araw ng SONA ng Pangulo.
Sa ngayon, may ilang impormasyon na natatanggap ang PNP sa posibleng panggugulo at banta sa seguridad ng Pangulo sa araw ng kanyang SONA at agad naman nitong pinaiimbestigahan sa lalong madaling panahon pero ayon sa PNP, walang dapat ipag-alala ang publiko.
Samantala, tatlong araw bago ang ulat sa bayan ni Pangulong Marcos Jr., muling nakiusap ang mga kapulisan sa iba’t ibang grupo na nakatakdang magsagawa ng kilos-protesta na maging maingat pa rin mula sa kasalukuyang banta ng pandemya.
Sa katunayan, iminungkahi ng PNP sa mga organizers ng rally ang pagkakaroon ng antigen test at istriktong pagdadala ng vaccination card patunay na bakunado ang lahat ng mga dadalo sa kani-kanilang demonstrasyon.
Pero paglilinaw ng opisyal, hindi ito mandatory bagama’t maaari itong magsilbing babala sa mga raliyista na obserbahan ang pagsunod sa health protocol laban sa COVID-19.
Kinumpirma naman ngayong araw na mayroon nang pinayagan na pro-Marcos group ang QC government na maaaring magsagawa ng kanilang rally sa kahabaan ng Batasan Road habang patuloy ang ginagawang rebyu ng Department of Public Order and Safety para sa hiling na rally ng anti-Marcos group sa kaparehong lugar.