Huling pagdinig ng senado hinggil sa pandemic supplies, kanselado

Huling pagdinig ng senado hinggil sa pandemic supplies, kanselado

KANSELADO ang padinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes matapos magpalabas ng memorandum order ang Malacañang.

Ito na sana ang ikalabing dalawa at huling pagdinig na gagawin ng naturang komite laban sa Department of Health, Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakansela ang naka-schedule na pagdinig ng blue ribbon.

Matatandaang nagpalabas ng memorandum ang palasyo na pumipigil sa mga cabinet officials na daluhan ang mga susunod pang pagdinig sa senado.

Ayon kay Senator Richard Gordon noong nakaraang hearing na maaring handa na ang kaniyang komite sa pagpapalabas ng partial report.

Una ng sinabi ng ilang mga senador na overpriced ang mga nabiling COVID-19 medical supplies ng DOH sa Pharmally.

Saad din ni Gordon na maaaring atasan ng mga ito ang Anti-Money Laundering Council (ALMC) para sa posibleng criminal liabilities sa  pagpopondo ng pandemic deals.

Matatandaan lumutang na sa pagdinig si Michael Yang, ang dating presidential economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpahiram ng pangkapital sa Pharmally.

Taong 2019 ay  mayroon lamang mahigit Php600,000 na pangkapital ang naturang kumpanya habang ang kontrata na naaward sa kanila ay nagkakahalaga ng Php8 bilyon.

Nanindigan naman ang Malacañang at mga health official na hindi overpriced ang mga nabili nilang supply mula sa Pharmally. Wala ring anilang mali sa pagpili nila sa kumpanya bilang kanilang pangunahing supplier noong magsimula ang pandemya.

Sinabi naman ng Commission on Audit (COA) na wala silang iniulat na kurapyson at overpricing sa naturang medical procurement ng pamahalaan sa Pharmally.

Hamon ni Duterte sa blue ribbon na magsampa ito ng kaso kung may sapat na silang ebidensya at huwag ng pahabain pa ang pagdinig.

SMNI NEWS