Hundred Islands, opisyal nang binuksan para sa mga lokal na turista

Hundred Islands, opisyal nang binuksan para sa mga lokal na turista

OPISYAL nang binuksan para sa mga turista ang Hundred Islands National Park sa Lungsod ng Alaminos, Pangasinan matapos ang ilang buwang pagsasara dulot ng pandemya.

 

Ayon kay Rosalie Aruelo, Assistant Tourism Officer ng Alaminos, nilinaw nito na kahit pa nagbukas na ang turismo sa kanilang lugar ay limitado pa rin ito.

 

Base sa napagkasunduan ng lokal na pamahalaan ng Alaminos, 50% lamang ng mga turista ang kanilang tatanggapin at sa ngayon ito’y pansamantalang bukas lamang para sa mga local tourist mula sa 1st District ng Pangasinan bilang transition sa new normal.

 

Kasabay nito ay nagpalabas rin ng Executive Order si Alaminos City Mayor Marc Brian Celeste bilang bahagi ng new normal sa muling pagtanggap nila ng mga turista sa lungsod.

 

Alinsunod sa nabanggit na EO ay i-oorganisa ng LGU Alaminos ang mga bangka ibig sabihin magkakaroon ng rotation ang mga bangkero sa pagtanggap ng mga turista sa Hundred Islands.

 

Nakasaad rin sa EO na ang bangka na aarkelahin ay dapat bayaran ng mga turista sa mismong opisina ng city tourism at hindi na deretso sa mga bangkero.

 

Sa huli inihayag ni Aruelo na layunin rin nilang makatulong sa mga maliliit na negosyante para magkaroon ng mapagkakakitaan ngayong unti-unti nang ibinabalik ang sigla ng turismo sa kanilang lugar.

 

JAY MIGUEL MENDOZA

Leave a Reply

Your email address will not be published.