Hustisya laban sa pagbenta ng Divisoria Public Market, sinisigaw ng mga vendor kay PBBM

Hustisya laban sa pagbenta ng Divisoria Public Market, sinisigaw ng mga vendor kay PBBM

NAGHIHINAGPIS at nag-aalala na ngayon ang mga dating vendors ng Divisoria Public Market dahil bukod sa wala na silang maayos na puwesto sa pagtitinda ay kinukuha pa ang kanilang mga paninda ng mga otoridad.

Ito’y matapos ibenta ng Manila City Government ang naturang palengke at wala na silang maayos na puwesto ngayon.

Ayon sa mga vendor, nasa labas na lamang ang iba sa kanila ng public market nagtitinda at sa iba’t ibang palengke sa Maynila.

Yun nga lamang dahil wala silang permit hindi maiiwasan na sila ay mahuli at kumpiskahin ng mga otoridad ang kanilang mga itinitinda.

Matatandaan una nang sinabi ng Manila LGU na ibinenta ni dating Manila City Mayor Isko Moreno ang Divisoria Public Market sa Festina Holdings Inc. upang makalikom ng pondo ang lungsod para labanan ang COVID-19 pandemic.

Pero hanggang ngayon galit pa rin ang mga vendor sa nangyari.

Samantala, sa inilabas na statement ni Bureau of Permits Director Levi Facundo, sinabi nito na napag-alaman din na ilang taon nang walang business permit ang ilan sa mga nagtitinda sa Divisoria Public Market  kaya naman naglabas ng closure order ang Pamahalaang Lungsod laban sa mga vendor.

“Please be informed that the Divisoria Market is now a private market owned and operated by Festina Holdings hence, the vendors should secure a lease agreement from them. It has also been found that some of the vendors were operating without business permit for several years that’s why the City Government issued a closure order against them. Thank you,” saad ni Facundo.

Paglilinaw naman ni Police Major Philipp Ines, ang tagapagsalita ng Manila Police District, ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin na gawin ang nararapat alinsunod sa direktiba ng Tanggapan ng Lungsod ng Maynila.

 

Follow SMNI News on Twitter