Hustiya sa napatay na brodkaster na si Percy Lapid, muling tiniyak ng PNP chief

Hustiya sa napatay na brodkaster na si Percy Lapid, muling tiniyak ng PNP chief

TINIYAK ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. sa pamilya Mabasa na mabibigyan ng hustisya ang pagkasawi ng kanilang padre de pamilya na si Percival Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid.

Ito ay kasabay ng pagbisita ni Azurin sa mga labi ni Mabasa sa Sucat, Parañaque ngayong araw.

Ayon kay Azurin, inatasan na niya si Southern Police District (SPD) director Police Colonel Kirby John Brion Kraft na himayin ang mga dinaanan ni Mabasa upang matukoy ang mga posibleng salarin.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa supervisor ng subdibisyon sa Las Piñas City kung saan tinambangan si Mabasa upang makakuha ng kopya ng CCTV.

Sa ngayon, patuloy na inaalam ng binuong Special Investigation Task Group ang motibo sa pagpatay kay Mabasa.

Si Mabasa ay isang batikang brodkaster at kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter