Huwag makisawsaw o magpaapekto sa mga batikos – Dep-Ed Bicol sa mga guro

Huwag makisawsaw o magpaapekto sa mga batikos – Dep-Ed Bicol sa mga guro

NANANAWAGAN ang Dep-Ed Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa kapwa mga guro na huwag na makisawsaw o magpaapekto sa mga batikos at sa halip ay pagkakaisa ang pairalin sa gitna ng pandemya.

Ang panawagang huwag magpaapekto ang mga guro ay dahil na rin sa lumalabas na isyu patungkol sa mga puna at batikos ng publiko sa pamumuno ng ina ng departamento ng edukasyon na si Dep-Ed Secretary Leonor Briones.

Ang panawagang ito ng Dep-Ed Bicol Regional Director na si Gilbert Sadsad ay dahil sa isang Facebook post na ipinalabas ng Dep-Ed Central Office na kinokondena at hindi makatarungang pagpuna at paninira kay Sec. Briones.

Ayon pa sa opisyal ang tunay na isyu ay ang virus at hindi umano ang modules ang kalaban kung hindi ang saradong kaisipan ng mga tao kaugnay ng pagbabago na kinakailangan ng kasalukuyang panahon at di-umano patas ang pagsisisihan at pagpapalabas ng mga negatibong kritisismo na may halong pagbabanta upang makalimutan na ang mabuting naumpisahan.

Bukod dito, binigyang-diin ng ahensya na hindi lamang ang tagumpay ang magsisilbing inspirasyon ng departamento kundi maging ang mga puna at suwestyon mula sa publiko na magagamit nila upang mas lalong mapagbuti at maisaayos ang serbisyo sa lahat ng mga mag-aaral.

Sa huli, pinasasalamatan ng opisyal ang kapwa niya guro na bukal sa loob ang pagbibigay ng kanilang oras sa serbisyo para maturuan ang mga kabataang Bikolano.

(BASAHIN: DepEd Bicol, nakapagtala ng pinakamataas na enrollees sa Grade 1)

SMNI NEWS