IATF, nagpulong ngayong araw ukol sa magiging alert level status sa NCR sa Marso

IATF, nagpulong ngayong araw ukol sa magiging alert level status sa NCR sa Marso

NAGPULONG ngayong araw ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease patungkol sa magiging alert level status sa National Capital Region (NCR) at ilang bahagi ng bansa pagsapit ng Marso.

Sa naturang pulong, pagdi-desisyunan  kung ano ang magiging final requirements sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa pagsasailalim sa Alert Level 1 status.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa Laging Handa public briefing na tiningnan ng IATF ang resolusyon na inilabas ng Metro Manila Council (MMC).

Base sa MMC Resolution,  nagkasundo na ang mga alkalde sa NCR na irekomenda sa IATF ang pagbaba ng NCR sa Alert Level 1 pagdating ng Marso.

Una na nang inilahad ng Malakanyang na maaaring ianunsyo sa darating na weekend ang panibagong estado ng alert level sa NCR at ilan pang lugar.

Metro Manila, pasado sa metrics para mag-Alert Level 1 — Sec. Duque

Pero sa sariling pananaw ni Duque, kung pagbabasehan ang kasalukuyang datos, kwalipikado na sa ilang metrics ang NCR para sa Alert Level 1.

“Ngunit kung ako lang ang tatanungin ano, hindi naman nangangahulugan na iyong sasabihin ko ay iyan din ang posisyon ng collective IATF ‘no. Sila naman, ang NCR pasado na sa kanilang mga metrics ‘no – hinog in other words,” ayon kay Duque.

Ibinahagi ng kalihim na nasa negative na ang two-week growth rate ng NCR habang nasa moderate risk naman ang average daily attack rate ng rehiyon.

“Kapag ibinangga mo iyong dalawa, ang katumbas is a low risk classification; samantalang ang kanilang health care utilization rate naman ay below 30% so mababa din, low risk. So, sa dalawa lamang aspetong ito ay hinog na sila,” ayon pa kay Duque.

Pero gayunpaman, naglabas ng adjustments ang DOH kamakailan sa target vaccination rate para sa A2 at A3 priority groups na required bago maibaba ang lugar sa Alert Level 1.

Inanunsiyo ng kalihim na kailangang nasa 80% muna ang vaccination rate ng A2 at A3 population ng isang lugar bago mailagay sa Alert Level 1 bilang additional metric o parameter.

Dapat din aniya na maabot ng NCR ang 70% ng kanilang target population.

“So tingin ko naman, mamaya aantayin lamang ng IATF ang pinakahuling ulat o datos patungkol dito para makapagpasya o makapagdesisyon na nang malinaw kung talagang puwede nang Alert Level 1,” ayon sa kalihim.

Sa katunayan, hindi lang ang NCR ang sentro ng pagtalakay ng IATF, bagkus, marami ring iba pang mga piling lugar.

Sabi ni Duque,  kung nakapag-comply ang ibang probinsya, high urbanized cities maging ang independent component cities doon sa metrics, ay mapapasama rin ito sa  Alert Level 1.

Follow SMNI News on Twitter