Ibang detention facility, inalok ni PBBM kay dating Senador Leila de Lima; Alok, tinanggihan ni De Lima

Ibang detention facility, inalok ni PBBM kay dating Senador Leila de Lima; Alok, tinanggihan ni De Lima

INALOK ng ibang detention facility ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si dating Senador Leila de Lima kasunod ng nangyaring muntikan nang hostage taking sa dating mambabatas sa PNP Custodial Center.

Sa Twitter post ng Pangulo, sinabi nito na kung nanaisin lang din naman ni De Lima na lumipat.

Tinanggihan naman ni De Lima ang alok ng Pangulo.

Sa pahayag ng dating senadora, ipinagpapasalamat nito ang alok ng Pangulo at ngayon ay nagrerekober na psychologically at emotionally sa insidente.

Hinimok naman ni Presidential sister na si Senador Imee Marcos si De Lima na sumailalim sa medical check-up at kunin ang home furlough na inalok ng Department of Justice at ng PNP dito noon pang Hulyo.

Dagdag pa ni Senator Imee na kasama ni De Lima noon bilang mga miyembro ng Kabataang Barangay ay nag-alala sila sa kalusugan at kaligtasan ni De Lima.

Matatandaan na hinostage si De Lima ng kapwa nito detainee.

Ito ay matapos tangkang tumakas sa detention facility sina Feliciano Sulayao Jr., Arnel Cabintoy at Idang Susukan.

Habang sinubukang tumakas ay nasaksak ni Susukan ang pulis na si PCpl Roger Agustin habang tumakbo naman sa selda ni De Lima si Sulayao.

Nasawi sa insidente ang tatlong suspek na napag-alamang miyembro ng Abu Sayyaf Group habang agad na isinugod sa ospital ang sugatang pulis.

Si De Lima ay ikinulong dahil sa pagkakasangkot nito sa talamak na bentahan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison habang nakaupo pa ito bilang justice secretary sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Follow SMNI NEWS in Twitter