Iba’t ibang paraan para magsumbong ng pang-aabuso sa mga estudyante, inilunsad ng DepEd

Iba’t ibang paraan para magsumbong ng pang-aabuso sa mga estudyante, inilunsad ng DepEd

WALANG pakialam.

Ito ang nakikita ni VP Inday Sara Duterte na pangunahing dahilan kung bakit maraming bata ang naaabuso na minsan ay humantong sa kanilang pagkasawi.

Sa kaniyang talumpati sa culminating program ng 30th National Children’s Month, sinabi ng pangalawang pangulo na ang kaniyang karanasan noong siya ay alkalde pa ng Davao City kung saan 2 bata ang nasawi dahil sa pang-aabuso.

Aniya hindi napigilan ang nasabing pangyayari dahil walang nais magsumbong sa awtoridad.

Ito ang nag-udyok sa lokal na pamahalaan ng siyudad ng Davao na maglunsad ng hotline na maaaring sumbungan ng publiko ng mga ulat ng karahasan o pang-aabuso.

Nitong Huwebes, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Learner’s TeleSafe Contact Center Helpline sa pangunguna ng Child Protection Unit ng ahensya kung saan may iba’t ibang paraan para magpadala ng sumbong.

Maaaring magreport sa pamamagitan ng website na https://weprotectlearners.freshdesk.com/support/home

Iclick ang menu at makikita rito ang ‘submit a ticket’.

Punan lamang ang mga kinakailangang impormasyon tulad ng email address, contact number, eskwelahan at ang iyong sumbong.

Mayroon ding hotline numbers kung saan maaaring tumawag o magtext o magpadala ng sumbong via email.

Nakahanda naman ang mga tauhan ng Learners Rights and Protection Office na tumanggap ng mga report.

Sa oras na makatanggap ng sumbong, agad na makikipag-ugnayan ang DepEd sa Department of Justice at Philippine National Police para sa agarang aksyon.

Kasabay nito ay magkakaroon din ang DepEd ng mga module na tutulong sa mga menor de edad na maintindihan at malaman na sila pala ay biktima na ng pang-aabuso.

Ayon kay VP Sara na sa ganitong paraan ay maaari silang makapagsumbong sa awtoridad.

 

Follow SMNI News on Twitter