“KISS, sabay hug.’’ Ito ang naging tema ng selebrasyon ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong Valentine’s Day kasabay ng pagdalaw ng mga kaanak sa kanilang mga mahal sa buhay na nakapiit sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City at New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ang mga bisita ay isinakay nang libre gamit ang mga bus ng BuCor patungo sa nasabing mga piitan para makasama nang personal ngayong Araw ng mga Puso ang kanilang kaanak na preso.
Nilinaw naman ng BuCor na kahit hindi Araw ng mga Puso ay tuloy pa rin ang pagbisita partikular ng mga asawa sa pamamagitan ng tinatawag na conjugal visits.
Samantala, kasabay nitong Valentine’s Day ay pormal namang inilunsad ang CIW Cashless System, inagurasyon ng bagong administrative building, pamamahagi ng food packs, hygiene kits, at mga gamot.