SA habeas corpus na petisyon ng magkakapatid na Duterte, muling iginiit ni former Chief Presidential Legal Counsel, Atty. Salvador Panelo na ang ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay hindi lang kagagawan ng gobyerno ng Pilipinas, kagagawan din aniya ito ng International Criminal Court (ICC).
“Kung walang jurisdiction ang ICC na nakiusap sa INTERPOL na arestuhin ang Pangulong Duterte, eh papaano siya magkakaroon ng jurisdiction? Ang nakikiusap na arestuhin ay walang jurisdiction, ‘yung pinakiusapan, walang jurisdiction, kaya ang nagpatupad ng ilegal na aresto ay ang gobyerno,” saad ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Ganito ipinaliwanag ni Panelo sa madaling salita ang isyu kung sino ang nagpatupad ng ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at kung bakit ito ilegal.
Ayon sa dating opisyal ng Malacañang, mismo ang International Criminal Court (ICC) ang lumabag sa sarili nitong batas.
“Nag-isyu siya ng warrant of arrest na hindi naayon sa kanilang batas. Bakit kanyo? Kasi, ‘yung inaresto nila, sa kanilang batas sinasabi din doon na bago mo ipatupad ‘yang warrant of arrest doon sa bansa na gusto mong arestuhin kailangang ipadaan mo sa isang judicial authority. Sa hukuman. Nilabag nila ho ‘yun,” aniya.
Ani Panelo, nilabag din ng pamahalaan ng Pilipinas ang sarili nitong batas.
“Anong batas natin dito? Extradition treaty, na ang isang mamamayan, na tatanggalin mo rito sa Pilipinas, at isusuko mo doon sa bansang gusto mong usigin siya sa kanilang bayan, sapagkat may ginawang krimen sa kanila, ay sinasabi sa ating extradition law kailangan maghain ka muna sa hukuman.”
“So kahit anong tingin mo, talagang ilegal ang aresto, ilegal ang detention, ilegal ang kidnapping. Lahat ho ilegal eh,” giit ni Panelo.
Kaugnay naman sa usapin ng paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ng habeas corpus ay ipinaliwanag ni Panelo na hindi naman ang pagkakaroon ng hurisdiksiyon ng Korte Suprema sa ICC ang pinag-uusapan.
“Ang jurisdiction ng Korte Suprema doon sa gobyerno at sa mga opisyales na lumabag sa batas. Mayrong kapangyarihan ang Korte Suprema na utusan ang gobyerno sapagkat nilabag niyo ang karapatan ng dating Pangulong Duterte ay ibalik niyo iyan dito sa amin at kayo’y magpaliwanag kung bakit ninyo nilabag ang kanyang mga karapatan,” pagtatapos nito.
Follow SMNI News on Rumble