POSITIBO ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maraming job seekers ang magiging ‘hired on the spot’ sa isasagawang malawakang job fair sa buong Pilipinas kasabay ng selebrasyon ng Labor Day sa susunod na linggo.
Pero, panawagan pa rin ng ilang manggagawa, itaas na ang sahod.
Natanggal sa trabaho bilang sales consigner sa isang mall sa Metro Manila si Leonard, ito ay dahil sa pagkalugi ng ilang kompanya kung kayat nagbawas ng tao.
Habang ang first time job seeker at K-12 graduate na si Ellen ay naghahanap na rin ng mapapasukang trabaho.
Upang makahanap ng trabaho ang kagaya nina Leonard at Ellen ay inanunsiyo ng DOLE ang iba’t ibang aktibidad sa ika-121 ng pagdiriwang ng Labor Day sa May 1.
Kabilang sa mga aktibidad na inilatag ng ahensiya ay ang pagkakaroon ng ‘Kadiwa ng Pangulo para sa mga Manggagawa’, nationwide job fair, at distribusyon ng livelihood assistance.
Halos nasa 800 employers ang lalahok sa naturang programa na magbibigay ng 74,000 na trabaho sa mga job seeker mula sa 40 mega job fair sites sa Pilipinas.
Ang mga nangungunang trabaho ay customer service representative, production worker o operator, financial consultant, service crew, at sales agent o sales clerk.
Kabilang din ang sa BPO, manufacturing, financial and insurance activities, manpower services, at sales and marketing.
Mainit din na usapin tuwing selebrasyon ng Labor’s Day ay a hirit na taas-sahod para sa mga manggagawa.
Sinabi ng kalihim, nasa 8 petisyon ang kasalukuyang pending dahil magmumula mismo sa tripartite wages and productivity board ang desisyon ukol dito.
Samantala, nanawagan sa Kongreso ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na suportahan ang Wage Recovery Act of 2023.
Layon nito na isabatas ang hirit na across-the-board wage recovery increase na P150 kada araw sa buong bansa.
Naniniwala ang TUCP na lubha nang kinakailangang magkaroon ng ganitong batas sa harap ng matinding kagutuman na nararanasan sa buong bansa.
“The wages of workers should climb together with productivity because it is only right and just that workers, who create the wealth of our nation, get their fair share of our economic growth,” saad ni Rep. Raymond Mendoza, Deputy speaker, House of Representatives.