IPINAGDIWANG ng pamahalaang lokal ng San Juan City ang Pinaglabanan Day pati na rin ang National Heroes Day sa pamamagitan ng pagkilala sa mga frontliners na nangunguna at patuloy na tumutugon laban sa banta ng COVID-19 sa bansa.
“Kasaysayan ng Kabayanihan at Kalayaan sa Pinaglabanan, Inspirasyon sa Paglaya mula sa Pandemya sa San Juan.”
Ito ang tema ng selebrasyon ng ika-125 anibersaryo ng Pinaglabanan Day ngayong araw, upang bigyan ng pagkilala ang mga frontliners na walang sawang pumoprotekta sa mga naapektuhan sa pandemya.
Pinangunahan ni Mayor Francis Zamora ang simpleng selebrasyon sa Pinaglabanan Shrine kasama sina San Juan City Rep. Ronny Zamora, Vice Mayor Warren Villa, National Historical Commission of the Philippines Chief Historic Sites Development Officer Gina C. Batuhan, Congressional District Head Office Atty. Bel Zamora, mga ibang opisyales ng lungsod at ilang medical at non-medical frontliners.
Nagsimula ang selebrasyon sa isang flag-raising at pagkanta ng pambansang awit na sinundan ng ‘Lighting of the Cauldron’ ceremony.
Nagsagawa rin ng wreath laying at nag-alay ng 21 gun salute.
Binigyang pugay ngayong araw hindi lamang ang mga bayaning lumaban para sa kalayaan ng bansa maging ang mga frontliners na sumasalamin sa katapangan ng mga katipunero sa laban nito sa San Juan Del Monte 125 taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, malaki ang pasasalamat nila sa mga frontliners sa kanilang dedikasyon at sakripisyo upang magligtas ng buhay na kaya naman ay nararapat lamang na bigyan sila ng karangalan ngayong araw ng Pinaglabanan at National Heroes Day.
“Since day one, we have been so grateful to our frontliners for their dedication and sacrifice in helping save lives and it is just right for us to honor them on this special day, where we do not only celebrate Pinaglabanan Day, but National Heroes Day. We are forever indebted to their service,”ayon kay Mayor Zamora.