ITINANGGI ni Jake Esteron, ang itinuturing na ika-13 person of interest, na hindi siya ang star witness sa pagkamatay ng dating flight attendant na si Christine Dacera sa isang New Year’s party na ginanap sa isang hotel sa Makati City.
Ayon kay Esteron nagpunta siya ng NBI upang makipagtulungan sa naturang ahensiya upang malutas ang kaso.
Aminado din si Esteron na kabilang siya sa nagpunta ng party pero hindi siya ang nag-organisa nito.
Itinanggi niya rin na kaibigan sila ni Christine at ipinakilala lang sa kanya ng kanyang kaibigan si Dacera.
Aminado din si Esteron dahil sa hangarin niyang makipagtulungan sa NBI ay nagpasundo siya mula Tacloban.
Samantala, ngayong araw ay nagtungo si Esteron sa NBI para sumailalim sa drug test, Q and A, at polygraph test.
Kaugnay nito, target ng National of Bureau of Investigation o NBI na ngayong linggo ay matatapos na ang digital forensic kung saan susuriin ng naturang ahensiya ang mga data sa mga mobile phones ng person of interest.
Sa isang ambush interview ay sinabi ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin sa pamamagitan ng digital forensic ay malalaman nila kung sino sino ang ka text at ano ang mga nangyayari kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati City.
Dagdag din ni Lavin sa ganitong paraan umaasa ang NBI na makikipag tulungan ang mga abogado ng mga person of interest para ibigay ang mga cellphone ng mga ito para sa examination.