PINAGHAHANDAAN ng Philippine National Police (PNP) ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Hulyo.
Sa panayam ng media nitong Lunes, Hunyo 5, 2023, tiniyak ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. ang kanilang paghahanda sa nalalapit na ikalawang SONA ni Pangulong Marcos.
Ayon sa heneral, ginagawa na nila ang pagpaplano upang matiyak ang seguridad at kapayapaan ng nasabing aktibidad.
Sa katunayan aniya, nagsasagawa na sila ng threat assessment para sa kaligtasan ng Pangulo, mga opisyal ng gobyerno at mga panauhin pagdating ng panahon ng SONA.
Kasabay naman nito, nanawagan si Acorda sa mga lalahok sa kilos-protesta na igalang ang pagpatutupad ng batas ng pulisya.
Hindi na dapat aniya, mauwi sa karahasan ang pagtitipon ng iba’t ibang grupo lalo na ang pamamato ng pintura at iba pang mga bagay sa pulisya.
Sa ngayon pinag-aaralan ng PNP ang estratehiya ng paghihigpit sa mga demonstrador kung kinakailangan.
Kasama na ang pagdi-deploy ng nga tauhan nito sa mga pangunahing lansangan.
Pero sisikapin ng PNP na idaan sa tamang proseso ang lahat, gaya ng pagkuha ng permit bago isagawa ang isang kilos-protesta.
Paghihigpit sa mga raliyista sa SONA ni Pangulong Marcos, hindi magiging overkill
Samantala, upang higit na mapangalagaan din ang karapatan ng bawat isa, inatasan ng PNP ang Human Rights Affairs nito para tutukan at gumawa ng mga polisiya para maiwasan ang anumang sakitan sa pagitan ng mga pulis at sibilyan.