MULING nagtipun-tipon ang mga Pilipino sa estado ng Penang para sa maagang selebrasyon ng Paskong Pinoy sa Malaysia na inorganisa ng SMNI sa Rainbow Paradise Beach Resort, Penang, Malaysia nitong Linggo, Disyembre 11.
Sa pangunguna ni Pastor Apollo C. Quiboloy, muling nagtipon-tipon ang ating mga kababayan sa ikalawang pagkakataon ng Paskong Pinoy sa Malaysia.
Ngayon, sa Penang naman.
Isa sa mga lugar ng Malaysia na may malaking bilang ng mga OFWs.
Matapos ang halos tatlong taong pakikibaka sa COVID-19 pandemic, heto at buhay na buhay ang diwa ng Pasko sa lugar.
Sa pamamagitan ng programa, ay muli naipadama sa mga kababayan natin sa ibang bansa ang totoong diwa ng Pasko, ang pagmamahalan, at pagbibigayan.
Nauna nang nangako ang pamunuan ng SMNI sa Malaysia na mas marami pang aktibidad ang ilalaan para sa mga kababayan natin sa bansa para sa taong 2023.
Para naman sa Filipino Community leader sa Penang na si Ms. Roliza Lanurias, damang-dama niya ang diwa ng Pasko sa Christmas Party na inorganisa ni Pastor Apollo, mula sa mga iba’t ibang dekorasyon na talaga namang mararamdaman ang Pasko sa ating bansa.
Ayon naman kay Maria Francisca Richa, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng Paskong Pinoy sa Penang.
Samantala, hindi naman nagpahuli ang mga kalahok sa mga pakulo na inihanda ng SMNI Malaysia para sa kanila.
Sa katunayan, nagalak ang mga Pinoy OFW sa pagandahan ng Christmas attire na bahagi ng kasiyahan.
Sa huli, abot-abot naman ang pasasalamat ng iba pang mga samahan kay Pastor Apollo sa napakalaking bagay na ipinagkaloob nito sa kanila ngayong Kapaskuhan.