Ikatlong araw ng ballot feeding, isinagawa ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan

Ikatlong araw ng ballot feeding, isinagawa ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan

 

SA pagpapatuloy ng ikalawang linggo ng overseas voting sa Japan, mas inaasahan pa ng Philippine Embassy sa Tokyo na makatatanggap ng mas marami pang balota ang embahada sa mga darating na araw mula sa ibat-ibang lugar sa Kanto Region.

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang opisyal na bilang ng mga botante sa Japan ay nasa mahigit 68k, kung saan higit 36k botante ay nagmula sa Tokyo, higit 23k sa Osaka at mahigit 8k naman sa Nagoya.

May mga kababayan naman na sinadya pa na tumungo sa Philippine Embassy sa Tokyo upang personal na ihulog ang kanilang mga balota.

Sa isinagawang ballot feeding ngayong araw, nagpaabot naman ng mensahe sa COMELEC ang mga poll watchers ng iba’t ibang partylist sa Tokyo.

Ayon sa Philippine Embassy sa Tokyo, walang dahilan para mabahala ang mga botante sa Kanto Region ukol sa mga numerong doble, sa mga balotang hindi pa dumarating at sa mga nag-alalang may tampered ang kanilang balota.

Ayon sa embahada, ang pagbubukodbukod ng numero ay naaayon sa alphabetical order na makikita sa 2022 Certified List of Voters (CLOV) at ito ay makikita sa website ng Philippine Embassy.

Ito naman ang kanilang basehan para sa pag-aayos ng bawat balota simula precinct one hanggang twenty kung saan ang bawat presinto ay binubuo ng 2-k botante.

Samantala, inanunsyo ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa lahat ng mga Pilipino na ang mga pangalan ay makikita sa 2022 CLOV at ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang mga balota ay kasama sa mga listahan ng mga ibinalik na pakete ng balota dahil sa wala o hindi kumpletong address.

Kung kasama ang iyong pangalan sa listahan, maaari kang makipag-ugnayan sa special balot reception at custody group ng embahada sa pamamagitan ng kanilang official website sa vote@philembassy.net upang ma-iskedyul ang iyong gustong petsa at oras ng appointment para kunin ang iyong ballot packet.

At dahil sa umiiral na protocols ng COVID-19, ang pagkuha ng ballot packet ay maaari lamang gawin sa mga araw ng Linggo, Martes, Miyerkules, Biyernes at Sabado mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 6:00 ng gabi.

Sa araw ng iyong appointment mangyaring dalhin ang iyong pasaporte na may parehong orihinal na kopya at photocopy.

Ipinapaalala rin sa ating mga kababayan na kinakailangan matanggap ng SBRCG ang kanilang mga balota bago ang Mayo 9 upang masigurong mabibilang ang kanilang boto.

Follow SMNI NEWS in Twitter