PINAKIKILOS ng pamunuan ng Philippine National Police ang mga tauhan nito sa posibleng pagpasok ng mga pekeng COVID-19 vaccines sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Debold Sinas na inatasan niya na ang Criminal Investigation and Detection Group, Intelligence Group, at iba pang police units para bumuo ng mga team na magsasagawa ng monitoring.
Makikipag-coordinate ang PNP sa Department of Health (DOH) , National Task Force Against COVID-19, at Food and Drug Administration (FDA).
Sa panig ng DOH, nakikipag-ugnayan na sila sa FDA para naman tiyakin nito ang maayos na pagsusuri na gagawin ng Bureau of Customs (BOC) oras na may mga bakuna nang darating sa bansa.
“Meron nang pakikipag-ugnayan ang FDA, ang ating Bureau of Customs na talagang susuriing maiigi itong mga dokumento ng mga bakunang darating, at magkakaroon pa po sila ng orientation patungkol dito,” ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III.
Tiniyak din ng DOH na mananagot ang sinumang nasa likod ng pamemeke ng mga bakuna.
Kaya ani Duque, dapat na matiyak sa bawat pagdaan sa border controls ay mapigilan na ang pagpasok ng mga pekeng bakuna.
“At ako naman ay nakakasiguro na itong mga pekeng bakuna na ito — ay harinawa ay ‘di makapasok at kung saka-sakali naman makapasok — ‘don pa lang sa border controls natin ay talagang mapigilan na at maimbestigahan at makasuhan ang mga salarin, so ‘yan po ang pinaghahandaan,” ani Duque.
Paglilinaw din ng FDA, wala pang partikular na brand ng COVID-19 vaccine ang otorisadong ipagbili at gamitin sa Pilipinas.
Samantala, ginagawan na ng paraan ngayon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang road re-blockings sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila na dadaanan ng mga bakuna.
Bahagi ito ng pag-iingat sa pagbiyahe ng mga bakuna dahil sa sensitibong kondisyon nito.