Ilang bahagi ng Maynila, Pasay, Makati, Las Piñas at Parañaque, mawawalan ng suplay ng tubig ng 36 oras simula bukas

Ilang bahagi ng Maynila, Pasay, Makati, Las Piñas at Parañaque, mawawalan ng suplay ng tubig ng 36 oras simula bukas

MAGPATUTUPAD ng emergency water service interruptions ang Maynilad sa ilang bahagi ng Maynila, Pasay, Makati, Las Piñas at Parañaque City simula bukas.

Ito ay dahil sa isasagawang pagkukumpuni sa water pipeline ng Maynilad sa kahabaan ng Pureza St. sa Maynila na aksidenteng napinsala sa isinasagawang drainage project sa lugar.

Ayon sa Maynilad, magsisimula ang water interruption ng alas-11 ng umaga bukas, Hulyo 15, 2022 hanggang sa Hulyo 16, 2022, araw ng Sabado.

Sinabi ng kumpanya na muli silang mag-aanunsyo sakaling kailanganin palawigin ang interruption.

Ilalabas naman ngayong araw sa social media accounts ng Maynilad ang iskedyul ng bawat barangay na maapektuhan ng interruption.

Pinapayuhan ang mga apektadong customer na mag-imbak ng tubig bago ang service interruption.

Magdedeploy rin ang Maynilad ng mobile water tankers para magbigay ng potable water sa mga apektadong lugar.

Follow SMNI News on Twitter