TATLONG distrito sa Quezon City ang mahigpit na babantayan ng COMELEC ngayong papalapit na ang 2025 midterm elections.
Ito ang kinumpirma ni Quezon City, Election Officer 4 Atty. Zennia Ledesma Magno sa ginanap na QC Journalist Forum sa lungsod nitong Martes, Oktubre 14, 2024.
Ayon kay Ledesma, ang Districts 1, 4 at 5 ang pangunahing prayoridad sa kanilang monitoring dahil sa mga nagbabalik na mga kandidato sa politika.
Habang ang ibang distrito ay babantayan pa rin naman ngunit hindi ganoon kahigpit.
Sa ngayon wala pa naman gaanong banta sa seguridad ang namomonitor ng local COMELEC sa Quezon City ngunit patuloy ang kanilang pagbabantay sakaling may mamataang kahina-hinala sa paligid lalo na sa kasagsagan ng kampanya hanggang sa botohan.
Batay naman sa pinakahuling tala ng COMELEC, nasa 1.3 milyong botante na nagparehistro sa Quezon City hanggang nitong buwan ng Hunyo para sa 2025 local election.
Maaaring tumaas pa ang naturang bilang ng mga nagparehistro dahil hindi pa kasama dito ang mga nagparehistro sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre 2024.
Nagdagdag din ang COMELEC ng voting center para maiwasan ang siksikan at anumang posibleng gulo sa araw ng botohan.