Ilang employer sa Malaysia, binigyan ng minimum wage exemption hanggang sa katapusan ng taon– MOHR

Ilang employer sa Malaysia, binigyan ng minimum wage exemption hanggang sa katapusan ng taon– MOHR

BINIGYAN ng minimum wage exemption ng Ministry of Human Resources (MOHR) sa Malaysia ang ilang employer na may mas mababa pa sa limang manggagawa hanggang Disyembre 31.

Inihayag ni Deputy Human Resources Minister Datuk Awang Bin Hashim na exempted sa pagpatutupad ng minimum wage order o PGM 2022 hanggang katapusan ng taon ang mga employer na wala pang limang manggagawa.

Ayon kay Datuk Awang, ang lahat ng employer sa alinmang economic sector ay hindi exempted sa implementasyon ng PGM na nagkabisa noong Mayo 1.

Gayunpaman, para naman sa mga employer na wala pang limang manggagawa, binigyan ang mga ito ng palugit hanggang Disyembre 31, 2022.

Bukod pa rito, ang mga employer na kabilang sa professional fields tulad ng abogado at mga doktor ay kailangan pa ring sundin ang itinakdang minimum wage na RM1,500 bawat empleyado, gaano man karaming empleyado mayroon ang mga ito.

Matatandaang, Abril 27 ay idineklara ng gobyerno ang pagpatutupad ng minimum wage na RM 1,500 na nagkabisa noong Mayo 1 para sa may mga empleyado na lima o higit pa, gayundin sa mga employer na nagsasagawa ng propesyunal na aktibidad sa ilalim ng Malaysia Standard Classification of Occupations 2020.

Samantala, nanawagan si Datuk Awang sa mga self-employed individual tulad ng mga mangingisda, hardinero at rubber tapper na mag-ambag din sa Social Security Organisation (SOCSO) upang matiyak na sila ay protektado sakaling magkaroon ng aksidente o sakuna habang nagtatrabaho.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter