INIHAYAG ni Commission on Higher Education (CHED) Chair Prospero de Vera na nakapagtala ng zero-infection ng COVID-19 ang ilang mga college of medicine na nag-umpisa na ng face to face classes.
Ito ay ayon sa pag-uusap nila ni University of the Philippines College of Medicine-Dean Charlotte Chiong at Dr. Caroline Marian S. Enriquez, president ng Our Lady of Fatima University.
“Ibig sabihin kung talagang tutukan ‘yung compliance sa guidelines na ginawa ng CHED at DOH, health protocols at iba, ligtas ang mga estudyante dito sa ginagawa nating limited face to face,” pahayag n De Vera.
Inihayag ni Chair De Vera na sa kabila nito nagkaroon ng impeksyon ng COVID-19 sa limited face to face classes sa Region 8.
Ngunit aniya, sa ibang mga rehiyon ay walang naitalang COVID-19 infection sa mga nagsagawa na ng limited face to face classes.
Balak na ring magsagawa ng limited face to face classes sa mga kurso na engineering, IT at maritime
Samantala, balak na rin magsagawa ng CHED ng limited face to face classes sa mga kurso na engineering, Information Technology at maritime.
Ito ang inihayag ni De Vera sa panayam ng Laging Handa public briefing.
“Tinitignan muna natin ang datos doon sa unang batch. Kung makikita sa datos na talagang ligtas ang mga bata dahil sa compliance sa guidelines,” ayon kay De Vera
Aniya, irerekomenda niya ito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung maganda ang resulta ng unang batch ng limited face to face classes.