INAPRUBAHAN ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng Department of Social Welfare Development (DSWD) kaugnay ng pamamahagi ng gobyerno sa ikalawang bugso ng tulong pinansyal mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Ito ng kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque batay sa inilabas na IATF Resolution No. 61 kung saan pinapayagan na ang partner financial service providers ng DSWD na mag-operate sa full capacity.
Kung maalala, nilagdaan ng DSWD noong June 30 ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Lank Bank of the Philippines (LBP) at anim na financial service providers (FSPs) para sa digital payment sa second tranche ng SAP cash subsidies.
Mababatid na kabilang sa natukoy na partner financial service providers ng DSWD ay ang GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, Starpay, at Unionbank.
Dagdag pa ni Roque, nakasaad din sa resolusyon na pinahihintulutan ang full mobility para sa mga empleyado ng naturang service providers para sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Maliban dito, pinapayagan na rin ang limitadong galaw ng mga benepisyaryo para makuha ang kanilang ayuda mula sa SAP.
Kaugnay nito, pinagtibay pa ng IATF resolution ang supplemental guidelines ng Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI) pagdating sa minimum health protocols sa mga workplace.
Una rito , inihayag ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje na patuloy na nagsisikap ang mga kawani upang matapos ang payouts para sa kwalipiladong mga benepisyaryo sa kalagitnaan ng buwang kasalukuyan.
Naglabas naman ng report ang DSWD na nasa 72.4 percent na ang nakumpletong payouts ng ahensya.