Ilang grupo ng magsasaka, nababahala sa epekto ng Bagyong Aghon sa agrikultura—FFF

Ilang grupo ng magsasaka, nababahala sa epekto ng Bagyong Aghon sa agrikultura—FFF

LUBOG sa mga baha ang mga pananim na palay, mais, at gulay na nagdulot ng pagkalugi sa mga magsasaka.

Ito ang sitwasyon sa ilang mga sakahan sa iba’t ibang lugar sa bansa na matinding napinsala ng mga nagdaang bagyo.

Hindi pa nga umano tapos ang kalbaryo ng mga nasa sektor ng agrikultura dahil sa matinding epekto ng El Niño phenomenon ay heto’t naminsala pa ang Bagyong Aghon.

Dahil dito’y nababahala ang Federation of Free Farmers Cooperative (FFFC) sa maaaring idulot ng Bagyong Aghon sa mga pananim lalo’t may ilang magsasaka pa ang naghahabol sa pag-aani ng kanilang mga produktong agrikultural.

“Siyempre, may tatamaan talaga diyan, so ‘yun ang reality sa agriculture, kung hindi magkaka-bagyo ay may drought. So, unless nakapag-prepare ka talaga in advance ay wala kang magagawa dahil nandiyan na ‘yung bagyo,” pahayag ni Raul Montemayor, National Manager, FFF.

Ngunit, hindi naman inaalis ng FFF ang posibilidad na mas malaki pa ang pinsala sa agrikultura ng mga malalakas na pag-ulan bunsod ng mga bagyo kaysa sa epekto ng El Niño na una na ring sinabi ng Department of Agriculture (DA).

“Dahil ‘yung El Niño, medyo mao-off set by irrigation or water o irrigation pumps, medyo may magagawa ka pa kasi kung may makuhaanan ka ng tubig, kaya niyang labanan ‘yung drought. Pero, kapag bagyo, hangin, paglubog at flooding ay mahirap ‘yun i-counter act ‘yung mga ganon,” dagdag ni Montemayor.

Mga natitirang pananim ng mga magsasaka, dapat nang anihin kasunod ng pagtama ng Bagyong Aghon—DA

Pinapayuhan na ng DA ang mga magsasaka at mangingisda na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signals bunsod ng Bagyong Aghon na anihin na ang mga natitirang mga pananim.

Siguruhing ligtas ang mga alagang hayop, gayundin ang mga reserbang binhi, pataba, at mga kagamitang pansaka.

Hinimok din ng ahensiya ang mga mangingisda na iwasan muna ang paglalayag o pagpalaot dahil sa posibleng malalakas na alon.

Nilinaw ng DA na wala pa silang nakukuhang mga datos kung may pinsala na sa sektor ng agrikultura dahil sa naturang bagyo.

“Sa ngayon, tinitingnan pa namin kasi alam naman natin na halos kakatapos lang ng harvesting ng sa palay. ‘Yung iba, nagsisimulang may access sa tubig, nagla-land preparation pa lang sila,” ayon kay U-Nichols Manalo, OIC- Assistant Secretary for Operations, DA.

Nakahanda naman aniya na umalalay ang kagawaran sa oras na may maapektuhang magsasaka at mangingisda dahil sa bagyo.

Nakahanda rin ang posibleng intervention na maaaring maitulong ng ahensiya kung sakali.

DA: Huwag samantalahin ang pagtama ng Bagyong Aghon para magtaas-presyo

Gayunpaman, sapat pa naman umano ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng mga kalamidad.

“Ang pinaka-importante rito is ma-determine talaga natin, una ‘yung mga pinanggagalingan ng mga produkto kung saan baka hindi naman binagyo ‘yung produkto o pinanggagalingan ng produkto sinamantala lang ang kalamidad para makapag-taas ng presyo,” wika ni U-Nichols Manalo, OIC- Assistant Secretary for Operations, DA.

“Huwag nating kakalimutang may Price Act ‘yung mga unsual na pagtataas ng presyo pagka-nakita nating nag-trending ay may karampatang base sa batas,” dagdag ni Manalo.

DTI: Mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 3 dahil sa Bagyong Aghon, malayang magpatupad ng price freeze

Wala ring nakikitang kakapusan ng basic and prime commodities ang Department of Trade and Industry (DTI) sa kabila ng mga hamong kinakaharap mula sa El Niño ngayong may Bagyong Aghon.

Patuloy pa ring ipinapatupad ng ilang manufacturers ang voluntary price freeze bilang tulong sa mga kababayan dahil na rin sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Maaari kasing magpatupad ng price freeze ang DTI sa isang lugar kung ito ay nasa state of calamity o emergency.

Pero, malaya aniya na magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin ang mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal Number 3.

“Kapag nagpatupad sila ng price freeze at walang state of calamity pabor ‘yan sa mga consumer and parang titingnan natin ‘yan bilang tulong ng mga manufacturer sa mga consumer sa panahon nga na pahirapan tayo ngayon na may mga kalamidad at tsaka mayroon tayong matataas na inflation number at tsaka ito nga na papasok na ang La Niña. So, malaya silang gawin ‘yan,” saad ni Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble