Ilang grupo ng magsasaka, nababahala sa patuloy na pagbaba ng presyo ng palay

Ilang grupo ng magsasaka, nababahala sa patuloy na pagbaba ng presyo ng palay

NATUMBA at hindi na mapakikinabangan pa – ganyan ang sitwasyon sa ilang pananim na palay sa iba’t ibang bayan sa Cagayan. Bunsod ito ng malakas na hangin at pag-uulan na dala ng Bagyong Julian na posibleng maging super typhoon.

Ang epekto ng masamang panahon sa sektor ng agrikultura ang pangunahing problema.

Nababahala ngayon ang grupong Federation of Free Farmers (FFF) dahil sa patuloy na bumababa ang presyo ng palay bunsod ng masamang panahon.

Maliban pa diyan ang patuloy na buhos ng imported na bigas na dumarating sa Pilipinas.

“Ang problema natin ngayon ay umaani ‘yung mga magsasaka and then sumasabay ‘yung pasok ng imported na mura dahil 15% lang ‘yung taripa niya and then maulan pa. So, it’s a combination of all these factors why the prices of palay ay going down,” pahayag ni Raul Montemayor, National Manager, FFF.

Nakakapagtaka aniya kung bakit bumabagsak ang presyo ng palay gayong nasa panahon ng anihan ng palay.

Bumaba na aniya kasi sa ibang probinsiya sa P14 hanggang P15 kada kilo ang bilihan ng traders ng palay.

Halos 52K ektarya ng pananim sa Batanes at Cagayan, posibleng mapinsala dahil sa sama ng panahon—DA

Batay nga aniya sa datos ng DA Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) mahigit 52,000 ektarya sa Batanes at Cagayan ang posibleng mapinsala bunsod ng masamang panahon.

Kung titindi pa ang pagbagsak ng presyo ng palay hanggang sa huling kwarter ng 2024 dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay posibleng tamarin na ang mga magsasaka sa pagtatanim.

“Anong klaseng policy naman ‘yan na ini-enganyo kaming magtanim, binibigyan kami ng abono at binhi ng mga traktura para lumaki ‘yung aming ani. Pero, pag-ani naman namin ay bagsak naman ang presyo so anong katuturan ng lahat ng programang ganyan kung in the end okay or napaka-kaunti ng kita ng mga magsasaka,” dagdag ni Montemayor.

Pero, sabi ng Agriculture Department hindi nila nakikita ang pagbagsak ng presyo ng palay dahil patuloy ang pamimili ng National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka sa iba’t ibang rehiyon.

“Kapag wet season may expectation tayo na medyo bababa ng kaunti. Pero, dahil mataas pa rin ang buying price ng NFA at ‘yung presyuhan naman ngayon. Bagamat, maganda rin naman ng NFA at traders,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Nakahanda naman ang mga tulong ng ahensiya sa mga magsasaka sa mga Regional Office.

Ito ay para mabilis na maka-recover ang mga ito na tatamaan ng bagyo.

Punto pa ni De Mesa, walang dahilan para magtaas din sa presyo ng bigas sa harap ng pananalasa ng bagyo.

Nananatili naman kasing sapat ang suplay ng bigas.

Export ban ng non-basmati rice, inalis na ng India; Presyo ng bigas sa world market, inaasahang bababa—DA

Sa katunayan, inalis na ng India ang export ban sa non-basmati rice na makatutulong para mapababa ang presyo ng bigas sa world market.

“Hindi tayo nagi-expect ng sudden or biglaan na pagtaas ng presyo ng mga agricultural commodities lalo sa palay at bigas. Maganda ang supply natin both local and imported. We have enough supply,” ani De Mesa.

“40% ng bigas na tini-trade sa buong mundo ay galing India. Kung mas marami ang volume na nati-trade especially sa bigas, it will have an impact, hindi lamang dito sa ASEAN Region kundi pati sa buong mundo, posibleng bumaba.”

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble