Ilang gulay, tumaas ng halos P60/kg; Sunud-sunod na oil price hike, dahilan ng taas-presyo —DA

Ilang gulay, tumaas ng halos P60/kg; Sunud-sunod na oil price hike, dahilan ng taas-presyo —DA

MALAKING pasanin para sa mga ordinaryong konsyumer ang walang-humpay na taas-presyo ng ilang pangunahing bilihin sa merkado.

Ang gulay kasi na karaniwang takbuhan o murang opsiyon nating mga Pinoy lalo’t kapag kakarampot lang ang ating budget – ay malaki na ang itinaas ngayon.

Sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), nasa pagitan ng P10 – P60 ang itinaas sa kada kilo ng mga lowland at highland vegetables.

“Napaka-mahal, tataas pa raw to bukas. Tuwing araw-araw tumataas ito. Ayaw na nilang bumagsak eh kasi wala na silang makuhaan sa probinsya.”

“Sa palaran na lang ‘yan, matalo o manalo para kaming nagsusugal. Sugal nga lang ang pagtitinda namin,” ayon kay Maria Arcega, Tindera.

Diskarte anila ang kailangan ayon sa ilang mamimili para lang mapagkasya ang budget sa pamimili.

Sina Kuya Ariel at Aling Neli, mas piniling mamili ng tumpok na gulay.

“Mas mura kasi siya compare sa loob na per kilo. Mahirap budgetin dahil marami na ang mahal lalo na sa karne,” ayon kay Ariel Cristobal, Mamimili.

“Hanap ka na lang ng gulay na in season na abundant kasi mas mura ‘yun. Gulay lang talaga nasa P500 ‘yan a week. Now kaunti na lang before na medyo okay,” wika ni Neli, Mamimili.

Ang tinderang si Aling Jocelyn, hindi napigilang kuwestiyunin ang administrasyong Marcos dahil mula nang maupo siya – nagmahal na ang lahat ng bagay maliban sa sahod.

Giit niya, hindi niya ramdam ang ginagawang aksiyon ng gobyerno dahil mas lalong ibinaon sila sa hirap dahil sa mahal ng bilihin.

“May naramdaman po ba kayo? Wala pa simula nang maupo ay wala pa akong naramdaman. Sa totoo lang, nagsasabi lang ng totoo di ba. Mas maganda pa nga ‘yung Duterte dati eh di ba,” saad ni Jocelyn Cubacub, Tindera.

Iba’t ibang factors ang nakikitang dahilan ng Department of Agriculture (DA) sa pagsirit sa presyo ng ilang gulay sa merkado.

Sinabi ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa na kabilang ang pabago-bagong panahon kung saan nade-delay aniya ang pagtatanim habang tinamaan naman ng nagdaang bagyo ang ilang taniman.

Kinukonsidera din ng DA na nakaapekto sa pagtaas sa presyo ng ilang gulay ang apat na linggong sunud-sunod na oil price hike.

“’Pag malayo ‘yung pinanggagalingan kagaya ng Benguet, Baguio o Southern Tagalog, may additional expensed kapag mahal ang diesel, ang lalaki ng increases.”

“’Yung mga presyong mataas they, are very temporary at kapag bumalik ulit ‘yung malaking harvest ay bababa ulit ‘yan,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Follow SMNI NEWS on Twitter