Ilang kalsada, isasara bilang paghahanda sa inagurasyon ni President-elect Marcos

Ilang kalsada, isasara bilang paghahanda sa inagurasyon ni President-elect Marcos

NATUKOY na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilang kalsada na isasara sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ito ay bilang bahagi ng paghahanda ng seguridad sa araw ng inagurasyon na gaganapin sa National Museum sa Hunyo 30.

Ayon kay NCRPO spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson, isasara ang mga kalsada ng P. Burgos Avenue mula Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard, Finance Road mula P. Burgos hanggang Taft Avenue, T.M. Kalaw Avenue mula Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard, Maria Orosa Street mula P. Burgos Avenue hanggang T.M. Kalaw Avenue, General Luna Street mula P. Burgos Avenue hanggang Muralla Street, Victoria Street mula Taft Avenue hanggang Muralla Street at Ayala Boulevard mula General Solano Street hanggang Taft Avenue.

Dagdag pa ni Tecson, gagawin ang rehearsal ngayong linggo upang malaman ang mga gagawing adjusment sa nasabing road closures at mga rerouting scheme.

Ang mga motorista mula sa Mel Lopez Boulevard ay padadaanin sa Roxas Boulevard hanggang Kalaw Avenue.

Padadaanin naman sa Circle hanggang Northbound Lane ng Mel Lopez Boulevard hanggang C-3 Road ang mga truck mula sa Delpan Bridge.

Gagamitin naman ang Nagtahan Bridge hanggang Lacson Avenue ng mga mabibigat na behikulo mula sa Quirino Avenue.

Ang mga galing naman sa P. Casal Street papuntang Ayala Boulevard ay maaaring gumamit ng Palanca St.

Samantala, ang mga motorista mula sa UN Avenue na papuntang Ayala Boulevard ay puedeng gumamit ng Taft Avenue.

Saad pa ni Tecson, ang air space sa loob ng one kilometer radius mula sa National Museum ay dapat walang lilipad na anumang drones o iba pang flying objects.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter