BINAGO na ng Norwegian officials ang kanilang inilabas na advisory kaugnay sa kung sino ang puwedeng mabakunahan ng COVID-19 vaccine.
Mula sa 30,000 katao na nakatanggap ng unang vaccine shot sa Norway, naitala dito ang pagkamatay ng 23 katao ilang araw matapos na mabakunahan ng Pfizer COVID-19 vaccine.
Karamihan sa mga namatay ay may mga karamdaman at lampas 80 anyos ang edad.
Ayon sa Norwegian Medicines Agency, nasa 29 na pasyente ang nakaranas ng side effects, 13 sa mga ito ay fatal matapos mabakunahan.
Dahil sa insidente, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na hahanap sila ng ibang bakuna na ligtas para sa mga senior citizens kapag nagsimula na ang immunization sa bansa.
Sinabi ni Galvez na nais nilang walang mamatay sa side effects ng bakuna sa COVID-19.
Sa plano ni Galvez, babakunahan muna ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino na may edad 18 hanggang 59 ngayong taon. Ang bakunang gawa ng Pfizer ang maaaring unang gagamitin sa bansa.
Naipahayag na ng Food and Drug Administration na binigyan nito ng emergency use authorization ang bakunang gawa ng Pfizer at BioNTech.
Kaugnay ito, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang LGU sa Metro Manila bunsod sa nasabing insidente
Sa panayam ng SMNI News sa LGU ng Muntinlupa City, sinabi ng kanilang Public Information Head Tez Navarro na agad inabisuhan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang mga residente nito na maging mahinahon habang hinihintay ang abiso ng Department of Health kung anong uri ng bakuna ang aaprubahan ng pamahalaan para sa nakatakdang vaccination roll out sa mga susunod na buwan
“Kaninang umaga sa flag raising ceremony, nagbigay ng paalala ang ating mayor (Jaime Fresnedi) na maging mahinahon at hintayin ang abiso ng pamahalaan kung anong bakuna ang aaprubahan nila,” pahayag ni Navarro.
Ani Navarro, ipinauubaya nalang aniya ng kanilang lokal na pamahalaan ang desisyon ng national government kung sa tingin nitoy magiging epektibo ito sa kalusugan ng mga benepisyaryo.
Kasabay ng paalala na hindi naman magiging sapilitan sa mga residente ng Muntinlupa ang pagtuturok ng bakuna, oras na dumating na ito.
Aniya, nirirespeto ng LGU ang desisyon ng mga tao kung nais nilang magpaturok o hindi.
“Sa amin naman dito, voluntary kamj. Hindi po namin pipilitin ang ayaw magpaturok. Iginagalang natin ang desisyon nila. Kasi may iba kasi, na, sa ngayon, ayaw muna pero pag makita na maganda pala ang epekto, ay magpapaturok na sila,” aniya pa.
“Ipinauubaya nalang din natin sa pamahalaan, kung ano ang desisyon nila,”dagdag niya.
Samantala, naging positibo naman ang pananaw ng Las Piñas LGU sa nangyari sa Norway kaugnay sa pagkamatay ng ilang naturukan ng Pfizer sa nasabing bansa.
Ayon kay City Administrator Rey Balagulan, mainam aniya na nahuli ang Pilipinas sa pagbili ng bakuna upang mapag-aralan ng husto ang epekto nito sa tao at hindi agad naiturok sa mga Pilipino, bagay na nakaligtas ang bansa sa insidente
“Pero para sa ‘kin, mabuti din yun at huli tayo. Dahil nakikita natin ngayon ang epekto ng Pfizer sa tao,” aniya pa.
Naniniwala ang lungsod na may magandang epekto sa mga benepisyaryo nito ang bakunang bibilhin ng pamahalaan.
Naunang pumirma ng kasunduan ang lahat ng LGU sa National Capital Region para sa pagbili ng AztraZeneca vaccines na inaasahang darating ngayong buwan ng Marso.
Habang kabilang naman ang Pfizer, at Sinovac mula sa China sa mga pinagpipiliang bakuna na maaaring bilhin din ng pamahalaan sa mga susunod na buwan.