DAHIL sa hirap ng buhay, hirap din ang ilang magulang sa Brgy. Tamugan, Marilog District, Davao City na makabili ng mga school supplies ng kanilang mga anak.
Pilit nga umano nilang pinagkakasya ang kanilang kinikita para sa pangangailangan ng kanilang mga anak mula sa baon hanggang sa mga gamit pang-eskwela.
Sa Pagan Grande Elementary School sa Brgy. Tamugan, maraming estudyante ang hirap sa kanilang pag-aaral dahil wala silang magamit na school supplies.
“Most of our learners, nakatira sa malalayong lugar. Mostly ang iba dito nakatira sa far-flung area. Our learners is matatawag namin na mahirap talaga kasi hindi nila kaya i-afford ang mga school supply. Kalimitan din dito kami po mga teachers ang mag-ambag ambag para mayroong supplies ‘yung mga bata,” ayon kay Ma. Chona Vosotros, Master Teacher 1, Pagan Grande Elem. School.
Hakbang ng Maisug USA at mga tagasuporta ni VP Sara, namahagi ng school supplies sa Pagan Grande Elem. School.
Nitong araw ng Linggo, isang gift giving activity ang isinagawa sa Pagan Grande Elementary School ng mga kinatawan ng Hakbang ng Maisug USA katuwang ang Sara Duterte Supporters New York, Fil-Am Movement for Equity, at Jaya’s Kitchen.
“Nandito ngayon sa Davao specifically sa Pagan Grande Elementary School para mamigay ng suporta sa mga bata dito. Maliban sa political issues, mayroon din kaming adbokasiya on helping children. Kailangan suportahan natin ang mga kabataan para maumol ‘yung sarili nila, makita nila na ang kahirapan ay hindi pala hadlang sa kanilang success,” ayon kay Dr. Ildefonso Salva, Hakbang ng Maisug USA.
Namahagi sila ng schools supplies sa daan-daang estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 6.
Bukod sa hot meals, tumanggap din ang mga bata ng mga pang-baon sa eskwela gaya ng juice at biscuits.
Maging ang mga guro ng nasabing paaralan ay nakatanggap din ng mga supplies na makatutulong sa kanilang pagtuturo.
Malaki ang pasasalamat ng mga estudyante at maging ng mga magulang ng Pagan Grande Elementary School sa mga school supplies na kanilang tinanggap.
Ayon sa Hakbang ng Maisug USA, marami pang eskwelahan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang kanilang pupuntahan para mamahagi ng mga school supplies sa mga estudyante.