Ilang maliliit na mga rice retailer, mahihirapan na ibaba sa P58/kg na Maximum SRP ang ibinibentang imported na bigas

Ilang maliliit na mga rice retailer, mahihirapan na ibaba sa P58/kg na Maximum SRP ang ibinibentang imported na bigas

NAGDADALAWANG-ISIP ang ilang maliliit na mga rice retailer sa ipinatutupad na P58/kg na Maximum SRP ng Department of Agriculture (DA) sa mga inaangkat na bigas sa mga pamilihan.

Malulugi anila sila lalo’t mataas ang kuha nila sa kanilang mga ahente.

Pero, naniniwala naman ang isang grupo ng mga magsasaka na importers at traders lamang ang panalo sa gagawin ng gobyerno.

Kaugnay nito, kahit saang palengke ka man pumunta sa Metro Manila—pare-pareho ang presyuhan ng imported na bigas. Naglalaro sa P50 hanggang P65 kada kilo.

Sa tindahan ni Allan Santos, pinakamahal na ang P60 pero magandang klase naman ito na bigas.

‘Yun nga lang, hindi niya ito basta-bastang maibababa sa lebel ng P50 dahil mahal ang puhunan nito mula sa kaniyang supplier.

“Sana naman ay maintindihan din kami na ang kuha namin ng bigas ay medyo mataas. Ang hirap naman po na ibaba namin kahit mataas ang kuha namin.”

“Dumi-depende lang kami sa bigay sa amin ng ahente,” ayon kay Allan Santos, Rice Retailer.

Ang hinaing ni Allan Santos ay posibleng madagdagan pa lalo’t nakatakda nang ipatupad ng DA ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa imported rice na nasa halagang P58/kg.

Sisimulan umano itong ipatupad sa palengke at sa grocery store sa Metro Manila sa Enero 20 ng 2025 para sa 5% broken na well-milled at regular-milled na bigas.

“Sinasabi natin sa publiko na ito lang dapat ang maximum na presyo.”

“We are now reviewing ‘yung mga major market, let’s just say Cebu, Cagayan de Oro, Davao, Zamboanga, Iloilo, Negros, at Batangas. We will be setting it at susunod na rin ‘yung iba,” dagdag ni Laurel.

Sa oras na maging epektibo ang MSRP ay handa umano ang DTI para sa monitoring at enforcement sa mga hindi susunod sa MSRP.

“The way we enforce other products ay ganun din ang pag-enforce namin sa bigas. Yes, we will o bibigyan namin sila ng report na hindi sila sumusunod,” ayon kay Secretary Cristina Roque, Department of Trade and Industry (DTI).

Pero, kung ang rice retailer naman na si Mario Gonzales ang tatanungin, nakailang implementasyon na umano ang kagawaran ng pagsasaka patungkol sa pagpapababa sa presyo ng bigas—ngunit hindi naman ito nagtatagal dahil kakaunti lang ang nakukuhang suplay.

Dapat intindihan din umano ng gobyerno ang kagaya nila na mga maliliit lang kumpara sa mga importer at trader.

Nasa P3 hanggang P4 lang aniya kada kilo ang kanilang kinikita—mababawasan pa ‘yan sa iba pang mga bayarin.

“Kapag may makukuha kaming mababa doon ay puwede pero kung wala kung ganito rin lang ay magbabayad kami ng trucking, kargador, babawasan pa ng plastic ‘yun. Hindi ko masabi kung sapat na,” wika ni Mario Gonzales, Rice Retailer.

SINAG, naniniwalang importers at traders lamang ang panalo sa P58/kg na Maximum SRP ng DA sa imported rice

Naniniwala naman ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang mga importer at trader lamang ang panalo sa hakbang na ito.

Katunayan, gobyerno nga umano ang lugi sa ipinatupad na Executive Order 62 dahil bilyun-bilyong piso ang nawala na puwede sanang ilaan sa mga programa para sa mga magsasaka.

“Kaya, if we are looking at mga bagay na ‘yun ay hindi nakinabang ang gobyerno dahil nawalan siya ng revenue ng almost P16 billion. Lugi ang farmers dahil bumagsak ang farm gate dahil sa mababang presyo ng bigas and ultimately ay nalugi ‘yung mga konsyumer,” pahayag ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble