ILANG araw na lamang bago ang Pasko ay tumungo na si Sabrina Cortez sa isang supermarket malapit sa kanilang bahay sa Makati City.
Bukod kasi sa pamimili niya ng mga kakailanganin sa bahay—nagsimula na rin siyang maglista ng mga presyo ng mga Noche Buena product na maaari aniya niyang bilhin sa kaniyang pamilya para sa Pasko.
Aniya, utay-utay na siyang namimili ng mga Noche Buena products gaya ng pasta, spaghetti sauce, at iba pa tuwing may sobra siyang pera sa kaniyang sahod.
“Para hindi isang bagsakan kasi kapag isang bagsakan ay medyo mabigat na, sobrang mahal talaga ng mga bilihin pero ang sahod ay hindi naman tumataas,” wika ni Sabrina Cortez, Mamimili.
Pero, parang kailangan pang higpitan ni Sabrina ang kaniyang sinturon sa pamimili ng ihahanda sa Pasko.
Una na rin kasing sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na higit 100 Noche Buena items ang nagtaas ang presyo.
Kabilang daw diyan ang ilang brands ng hamon, fruit cocktail, cheese, pasta, spaghetti sauce, tomato sauce, all-purpose cream, elbow macaroni, at salad macaroni.
Ang mamimiling si Jenny Sardillo nasa P2,000 lang talaga ang budget para sa ihahanda sa pamilya ngayong Kapaskuhan.
Problema niya, baka aniya kasi hindi kasya ang budget lalo na ngayon na ilang produkto ang tumaas ang presyo.
Diskarte aniya nito—imbes na bumili siya tig-iisang produkto ay mas mabuti aniya ‘yung mga naka-bundle na.
“Para sa akin kaya naging bundle para isahan na lang ang bili at para maka-less naman din at kung kulang na lang din ay kaunti na lang ‘yung diperensya. Kasi, kung isa-isa ang bibilhin ay magkaiba kasi ng presyo ‘yun,” ayon kay Jenny Sardillo, Mamimili.
Nag-ikot naman sina Trade and Industry Secretary Cristina Roque at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa dalawang supermarket sa naturang siyudad.
Aminado si DTI Sec. Roque na hindi nila napigilan ang ilang manufacturers ng Noche Buena products na magtaas-presyo.
“Kinausap namin ‘yung mga manufacturer and ‘yung mga brand owner if they can actually leave the prices the same as last year. Pero, ‘yung iba because of the high cost o mataas din ‘yung costs nila at tinaas din. Tapos mataas din ‘yung dollars of course they also need to put up din ‘yung price,” pahayag ni Sec. Cristina Roque, Department of Trade and Industry.
Para maiwasan aniya na makabili ng mga produkto na may taas-presyo ay mas mabuti na tingnan ang DTI price guide para maging basehan sa pamimili.
Sa mga may balak na ring mamili ng mga karneng baboy at manok na ihahanda sa Pasko ay siguraduhin lamang na sapat ang pera.
Habang papalapit kasi ang Pasko ay walang tigil sa paggalaw sa presyo ng manok at baboy.
Profiteering sa imported na bigas, nadiskubre ni DA Sec. Laurel sa Guadalupe Market sa Makati
Siyempre, hindi kailanman mawawala sa hapag ng mga Pinoy ang kanin—pero maging wais po sa pamimili ng bigas sa merkado.
Sa pag-iikot kasi ni DA Sec. Laurel, personal nitong nakita ang isang brand ng bigas na sobra na aniya ang ipinatong sa presyo na umabot sa higit P60/kg.
Sabi ni Laurel, maituturing na profiteering ang brand ng imported na bigas na bigo niyang pangalanan—dapat aniya kasi nasa P47-P49 lang dapat ito ibinenta dahil nasa P42 lamang ang landed costs.
“Doon ngayon tingin ko ‘yung mga importer o brand owners na importers ng bigas na may brand doon may profiteering akong nakikita. So, pinapalista ko ngayon lahat ng brand sa palengke na matataas at tapos itra-trace natin kung sinong importer niyan,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Magsasagawa aniya ng imbestigasyon ang kagawaran hinggil dito at ipapatawag ang mga importer na nananamantala sa presyo ng bigas.