Ilang mga Pilipino, sukang-suka na sa pang-aabuso ng Marcos admin laban kay VP Sara Duterte

Ilang mga Pilipino, sukang-suka na sa pang-aabuso ng Marcos admin laban kay VP Sara Duterte

SUKANG-suka na umano ang ilang mga Pilipino sa hindi makataong ginagawa ng administrasyong Marcos laban kay Vice President Sara Duterte.

Dahilan kung kaya’t boluntaryong nagtipon-tipon araw ng Martes ang iba’t ibang grupo at mga tagasuporta ng Bise Presidente sa Shrine Mary Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine.

Ito ay upang magsagawa ng prayer vigil bilang suporta kay VP Sara dahil sa political persecution at harassment ng administrasyon.

Emosyonal naman ang isang ginang habang naglalabas ng kaniyang sentimyento sa hindi na tamang ginagawa ng administrasyon lalo na sa mga mahihirap.

“Hindi lamang mga Duterte ang kanilang inaapi at tinatapakan kundi pati na mga taumbayan. Kawawa ang taumbayan ngayon walang budget ang Mindanao, wala ring budget ang mga mahihirap. Ano pa ang gagawin natin, bakit natin ipagpapatuloy ‘yang administrasyong bulok, basura sa lahat ng basura. Ipaglaban ang dapat ipaglaban, huwag natin hayaan na sila ang magwagi sa bansang Pilipinas. Ang may karapatan lang mamuno para sa bayan ay ang mabuting pamamahala at pamamalakad. Samantala ikaw BANGAG ay wala kang pakialam sa mga mahihirap,” ayon sa isang ginang, supporter ni VP Sara Duterte.

Pinuna rin ng mga tagasuporta ang ilegal na pag-cite in contempt ng mga kongresista sa Chief of Staff ng Office of the Vice President na si Undersecretary Atty. Zuleika Lopez.

Anila, hindi na in-aid of legislation ang ginawa ng mga kongresista na wala namang nagawa sa bansa kundi puro pagdinig at pangungurap.

“Masyado na tayong pinupolitika ng gobyernong ito. Kung iisipin niyo wala naman tayong mapapala diyan sa mga Quadcom investigation, wala tayong mapapalang kabutihan, pero bakit dito sila tumututok hindi nila tinututukan ang problema ng ating bansa, hindi nila tinututukan ang pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi nila tinututukan ang pagtaas ng kuryente, ng ating tubig, nakakalungkot isipin. Akala natin aahon tayo kapag si BBM ang naupo pero nabudol-budol tayo,” ayon sa supporter ni VP Sara Duterte.

Ang dating kadre na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz ay binigyang-linaw na ang aktibidad ay hindi para mag-alsa kundi pagpapahayag ng saloobin ng mamamayang Pilipino tungkol sa nagaganap na malubhang pang-aabuso sa kapangyarihan at isyu ng malalang korapsiyon ng administrasyon.

Ang pang-aabusong ginagawa ng mga kongresista ay tila sinasang-ayunan pa ni Marcos Jr.—patunay diyan ang pagiging bingi at bulag nito sa nangyayari sa bansa lalo na sa panggigipit nila kay VP Sara.

“So, there is now a fractured government, sino nakikinabang ngayon? Ang nakikinabang dito ay ang mga totoong kalaban ng estado at gobyerno ang CPP-NPA-NDF na mga operatiba nila sa mga mukha ng Party-list. Ginagamit ngayon as attack dog and political operators na pinupondohan nila Martin Romualdez ang mga dating kasama namin sa CPP-NPA-NDF kagaya ng convicted criminal at child abuse ang kaso niya pero hindi nakakulong at siya pa ang ginagamit na maglabag sa karapatan ng mga indibidwal na tao. Kaninong kasalanan kung bakit lumulubha ang krisis sa politika na nagreresulta sa paglalim sa krisis sa ekonomiya? ‘Yan ay kakulangan sa pamumuno ni Mister Marcos,” pahayag ni Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz, Dating Kadre.

Pero ang tanong ng karamihang Pilipino bakit nga ba ginigipit ng administrasyon si Vice President Sara Duterte?

Ayon sa isang political writer na si Tio Moreno—ito ay dahil banta si VP Sara sa kanilang mga personal na interes.

Kabilang na diyan ang kanilang hangarin sa pagtakbo pa sa mas mataas na posisyon sa 2028 at talamak na korapsiyon sa gobyerno.

“This is a political persecution, you should remember na if election will happen tomorrow morning definitely Sara will win, di ba. So, ‘yan ‘yung tinitira nila kasi nga balakid siya sa lahat ng problems,” paliwanag ni Tio Moreno, Political Writer & Supporter of VP Sara Duterte.

Binatikos din nito ang panggigipit ng mga kongresista hindi lang kay VP Sara kundi maging sa mga simple at ordinaryong empleyado ng Office of the Vice President.

Punto niya wala nga raw nagawang magandang programa ang mga ito at puro pamumudmod ng pera para sa kanilang personal na interes.

Dismayado rin ito sa mga ahensya ng pamahalaan na nagpalabas pa ng press statement laban kay VP Sara.

“It’s very disheartening na if you look at the Constitution, executive, legislative and judiciary. VP Sara is part of the Executive Department, she is the second highest official in the country. She should be treated the same as they treated the President of the country. It’s just happened na may threat na kay VP Sara, pero silent ang NSC, silent ang PNP, silent ang AFP walang sinabi si Marbil at walang sinabi si Brawner,” giit ni Moreno.

Nakakalungkot aniya isipin na bagamat sumusunod lamang ang mga nabanggit na mga ahensiya sa kanilang mga matataas na opisyal sa gobyerno ngunit nagiging tuta dahil sa pagiging bulag nila sa mga pang-aabuso kay VP Sara.

Kaya ang ginawang prayer vigil sa EDSA shrine ay patunay lamang na mulat na ang mga Pilipino sa maling ginagawa ng administrasyon.

Paglilinaw rin ni Moreno na ang mga pumuntang tagasuporta ni VP Sara ay hindi bayaran at boluntaryong pumunta upang sumuporta.

Nanawagan din ang mga ito sa iba pang mga Pilipino na tumindig sa tama at suportahan sila sa kanilang hangarin laban sa abusadong gobyerno.

Inaasahang magtatagal ang prayer vigil sa naturang lugar hanggang sa Biyernes, Nobyembre 30.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter