ILANG motorista ang nasampolan sa unang araw ng pagpapatupad ng mas mataas na multa laban sa mga hindi awtorisadong dumaan sa EDSA bus lane.
Kabilang sa mga namultahan ay mga government vehicle.
Pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Romando Artes ang operasyon ng MMDA laban sa mga motoristang ilegal na dumadaan sa EDSA bus lane ngayong Lunes ng umaga, Nobyembre 13.
Ngayon ang unang araw ng pagpapatupad ng mas mabigat na parusa laban sa mga bus lane violators.
Ikinasa ng MMDA ang kanilang operasyon sa SM Mega Mall northbound, sa Baliwag Transit sa Cubao northbound, at sa Magallanes patungong Taft Avenue sa Pasay City.
Marami na ang nasampolan ngayong umaga kabilang na ang mga government vehicles na hindi naman tumutugon sa emergency.
Mula P1,000, nasa P5,000 na ang multa para sa unang paglabag ng bus lane ordinance.
P10,000 naman at isang buwang suspension ng lisensiya, at sasailalim sa seminar para sa 2nd offense.
Pagmumultahin ng P20,000 at isang taong suspension ng lisensiya ng 3rd offense habang P30,000 at tuluyang pagkansela naman ng lisensiya para sa 4th offense.
Ayon naman kay Artes, ang mga motoristang tatakas sa traffic violation dahil sa pagdaan sa bus lane ay papatawan ng 3rd offense violation.
Ibig sabihin pagmumultahin ang naturang motorista ng P20,000 at isang taong suspension ng lisensiya.