KASUNOD ng pagkamatay nina Jenny Alvarado, na na-suffocate dahil sa nasusunog na uling, at Dafnie Nacalaban, na natagpuang patay matapos mawala ng dalawang buwan, nagpahayag ng kanilang pananaw ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) hinggil sa deployment ban sa Kuwait.
Ayon kina Manilyn, Maria Rita, Lovely, at Cristy, pawang mga OFW, pabor silang ipatupad ang deployment ban.
“Para sa akin, ban, totally ban, kasi marami pong mga OFW ang inaapi, kawawa po sila. ‘Yung iba wala ding day off, ‘yung iba hindi nakakalabas, ‘yung iba hindi binibigyan ng pagkain,” ayon kay Manilyn, OFW sa Kuwait.
(Reporter: Pabor po kayo na magkaroon ng deployment ban sa Kuwait?) “Opo, kasi kung patuloy pa rin ang ganoong mangyayari, maraming mawawalang buhay,” wika ni Maria Rita, OFW sa Oman.
“Better lesson na rin ‘yung i-ban sila, para matuto sila, kasi buhay ‘yan eh. Madali lang ang buhay sa kanila, nagtatrabaho tayo para sa pamilya natin,” wika ni Lovely, OFW sa Riyadh.
“Sa tingin ko pabor ako kasi parang dangerous ang maging OFW sa Kuwait, especially. Unlike sa ibang bansa like Hong Kong, medyo maganda ang sistema,” ayon kay Cristy, OFW sa Hong Kong.
Samantala, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na pinag-aaralan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga patakaran sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait upang masiguro ang mas mahigpit na proteksiyon. Kasama sa mga hakbang na isinasagawa ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga OFW na first-timers o yaong walang karanasan sa ibang bansa, whitelisting at blacklisting ng mga recruiter, pre-departure briefings, at electronic on-site monitoring.
“We are reviewing our deployment policies and also trying to review ‘yung kapakanan ng mga matatagal nang OFWs na nandoon sa Kuwait. And as I said, we will come up with the findings on whether to tighten the requirements or impose more stringent measures,” pahayag ni Sec. Hans Leo Cacdac, Department of Migrant Workers.
Follow SMNI News on Rumble