MAG-iinspeksiyon ang ilang opisyal ng gobyerno sa San Juan River para sa planong pagpapaganda dito.
Ang nasabing inspeksiyon ay pangungunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at San Juan City Government para matukoy ang saklaw ng Neighborhood Upgrading (NU) Project ng MMDA.
Target ng nasabing proyekto na i-rehabilitate ang inabandonang linear park ng dating Pasig River Rehabilitation Commission sa tabi ng San Juan River.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, nagpapasalamat sila sa MMDA kasabay ng pagiging bukas sa pakikipagtulungan sa ahensiya para sa mga proyektong layong maglinis sa San Juan River.
“We are always grateful to MMDA and are very open in partnering with them in projects that will help in cleaning up the San Juan River,” pahayag ni Mayor Francis Zamora, San Juan City.
Aniya, nais din nilang magkaroon ng mga dagdag na lugar para sa mga residente ng San Juan kung saan sila rin ay matuturuan na pangalagaan ang kalikasan.
“We also wanted to create more open spaces for San Juaneños and in turn educate them in caring for the environment,” dagdag ni Zamora.
Umaasa ang San Juan City na magkakaroon ng vegetable garden, biking at jogging path, garden, at event places sa linear park para tangkilikin ng mga taga-San Juan at ng mga taga-Metro Manila.
Layon ng Neighborhood Upgrading (NU) Project ng MMDA na linisin ang mga daluyan ng tubig katuwang ang mga lokal na pamahalaan na konektado sa Ilog Pasig upang maiwasan ang matinding pagbaha sa panahon ng tag-ulan.