NAKATAKDANG maghain ng reklamo sa Ombudsman ang ilang grupo ng magsasaka laban sa ilang opisyal ng Tariff Commission dahil sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng EO 62.
Bagsak na ang presyo ng palay ng magsasaka dahil sa pagpapatupad ng Executive Order 62 o ang pagpapababa sa taripa ng mga inaangkat na produkto gaya ng bigas.
Ito ang sinabi ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kung saan naglalaro na sa P17 ang presyuhan ng palay na ikinalulugi ng mga magsasaka.
Bago pa man ang implementasyon ng EO 62 nitong Hulyo 6 ay dumulog na sa Korte Suprema ang ilang grupo noong nakaraang linggo para hilingin ang Temporary Restraining Order na magpapahinto sa naturang kautusan.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na desisyon ang SC hinggil sa petisyong inihain ng mga grupo.
Pero, hindi anila dito natatapos ang laban ng grupo ng mga magsasaka sa hindi makatwirang pagbabawas ng taripa ng gobyerno.
Sinabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, nakatakda silang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa ilang opisyal ng Tariff Commission, isang ahensiya sa ilalim ng National Economic and Development Authority (NEDA).
“‘Yung pag-uusap namin kanina ay magfi-file tayo ng kaso sa Ombudsman against sa officials ng Tariff Commission. May mga pini-prepare pa kasi na ilang documents na kailangan natin with regards sa officials ng NEDA Board. But, in the meantime this Monday ‘yung kaso against the Commissioners of the Tariff Commission,” ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Patung-patong na reklamong kriminal at administratibo ang ihahain nila sa Ombudsman laban daw sa mga Commissioner ng Tariff Commission dahil umano sa iregularidad.
“‘Yung administrative kasi mismong officials ng Tariff Commission ang lumabag sa mismong batas niya. Ang Tariff Commission kasi is guided by CMTA o ‘yung Customs Modernization Tariff Act. Ang problem ay sila mismo they did not conduct any hearing, any consultations with regard itong Executive Order 62 so ‘yun administrative case. ‘Yung number two ay criminal kasi may mga naapektuhang sektor partikular ang agricultural sector sa kadahilanang hindi paggampan sa kanilang sworn duties,” ani Cainglet.
Umaasa sila ng agarang aksiyon ng Ombudsman oras na makapaghain ng reklamo laban sa mga opisyal ng gobyerno at gayundin din sa Korte Suprema hinggil naman sa hinihiling na TRO.
Bukas aniya sila na makausap ang Pangulo at personal na maiparating ang kanilang mga pagtutol hinggil sa EO 62 na magpapabagsak sa sektor ng agrikultura.