Ilang opisyal, suportado ang Magna Carta for BHW

Ilang opisyal, suportado ang Magna Carta for BHW

SUPORTADO ng ilang opisyal ng pamahalaan ang Magna Carta para sa mga barangay health worker (BHWs).

Taong 2019 nang unang pumutok ang balita patungkol sa isang nakamamatay na Coronavirus disease mula China.

Matapos nito, agad kumalat ang nakahahawang sakit sa ibang panig ng mundo na nagresulta ng pagkasawi ng milyun-milyong indibidwal.

Nagdulot din ito ng pangamba sa mga tao at nagpatupad ng iba’t ibang hakbang ang pamahalaan upang ito’y maagapan.

Sa mga panahong ito tanging mga frontliner ang abala sa pagbibigay ng atensiyon at serbisyo sa bayan sa panahon ng pandemya.

Dahil dito, wala nang hihigit pa sa tapang na ipinakita at hindi matatawarang serbisyo ng frontliners sa bansa.

Sa katunayan sila ay kinikilala bilang mga makabagong bayani ng kasalukuyan.

Gaya na lamang ng mga barangay health worker (BHWs).

Kaya naman pabor si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos, Jr. sa isinusulong ngayon na Magna Carta for BHWs.

Ayon sa kalihim, sa ngayon tumatanggap lamang ng honorarium base ang mga BHW sa kabila ng mabigat na responsibilidad ng mga ito lalo na tuwing may sakuna.

Kaya dapat gawin na aniya itong salary base kung magkano ang sahod ‘yun ang dapat munang pag-usapan.

“Number 1 ang ating BHW ay honorarium basis kung tutuusin mo, sana magkaroon ng takda na salary basis na sila kasi ganun din eh, ilang taon silang nanjan nagtatrabaho, konting problema sila ang pinupuntahan ng tao. Ultimo sarili nila hindi nila maasikaso kung may lindol, bagyo, ang tingin ng tao talagang on the ground sila. So I think hindi na honorarium salary base na ang tanong pa ay kung magkano,” ayon kay Sec. Benjamin Abalos, Jr., DILG.

Dagdag pa ng kalihim, dapat hindi na pinapalitan o tinatanggal ang mga BHW lalo na ‘yung mga dumaan sa seminar sa panahon ng pandemya upang hindi masayang ang ginastos ng pamahalaan sa kanilang mga dinaanan na pagsasanay.

“Isa pa ay is the continuity of service kasi alam niyo, ang laking perang ginugol ng gobyerno sa capacity building for example, nung nagkaroon po tayo ng COVID, sino ang unang kumakatok sa pinto? Ang Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholars, ilang seminar ang pinagdaanan ng mga ‘yan, talagang capacity building ang problema, kung papalit si kapitan kalaban ni dating kapitan, tao niya to tanggal lahat’ yan, so tinitignan ko po rito baka puwede maging regular,” dagdag ni Abalos.

Samantala, sang-ayon din ang dating mambabatas at ngayo’y Bataan Governor Jose Enrique “Joet” Garcia sa Magna Carta for BHW.

Aniya bagama’t hindi pa nito lubusang nakita ang nilalaman ng mungkahing Magna Carta for BHW ay marapat lang na mabigyan ng tamang benepisyo ang mga BHW.

“Well hindi ko pa gaanong nakita ang nilalaman ng Magna Carta pero sang-ayon ako na kinakailanagn mabigyan ng karagdagang benepisyo ang mga Barangay Health Workers, lalo na ngayon pinapatupad na natin for the 5th year ng universal healthcare law at ang primary healthcare ang kailangan dito para sa akin,” ayon kay Gov. Jose Enrique Garcia, Former Representative of Bataan 2nd District.

Kinikilala rin ng dating mambabatas ang sakripisyong dinadaanan ng mga BHW.

“Kaya dapat sa lahat ng ginagawa ng ating mga BHW, meron silang katumbas na matatanggap dahil ibinubuhos nila ang kanilang effort, ang kanilang puso para mapaglingkuran ang ating mga kababayan lalo na nga pagdating sa kalusugan,” dagdag ni Garcia.

Sa ngayon aniya ay dapat itong pag-aralan at pag-usapan upang maipatupad ito nang maayos.

“Pangalawa dahil meron pong ratio na hinahabol ang DOH sa mga LGUs pagdating sa bilang ng mga BHW as much as possible, 1 BHW is equivalent to 20 households. So, medyo marami-rami ‘yun kung titignan natin ang bilang ng mga household sa bawat lungsod at probinsiya. So, kung gagawin nating plantilla, kung gagawin nating regular na may allowance, depende kung ano ang pagkakasunduan sa batas, ‘yun din po ang dapat tignan natin, ‘yun pa rin ba ‘yung ratio?” ani Garcia.

Matatandaan na isa sa mga prayoridad ngayon ng kasalukuyang administrasyon ang maipatupad ang Magna Carta for BHWs, kung saan maaari nang makatanggap ng insentibo at benepisyo ang mga BHW kagaya ng hazard allowance, transportation allowance, subsistence allowance, one-time retirement cash incentive, health benefits, insurance coverage and benefits, vacation and maternity leaves, at mga cash gift.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble