PIHADONG marami na naman ang hindi matutuwa sa balitang ito. Paano ba naman – posible kasing pagbigyan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na taas-presyo ng ilang manufacturers ng mga pangunahing bilihin ngayong buwan ng Enero.
Ilang pakete na lamang ng mumurahing noodles ang binili ni Ronald Almonte sa isang supermarket na ito, umaga ng Biyernes.
Kailangan daw kasi niyang pagkasyahin ang perang dala lalot may iba pa siyang bibilhin na kakailanganin nila sa araw-araw.
‘’Talagang mahirap..maga-adjust nalang kami.. ito kasi ‘yung pinakamura,’’ ayon kay Arnold Almonte.
Sabi ni Ronald, hirap siyang pagkasayahin ang kakarampot niyang budget lalo’t halos lahat na yata ng bagay ay patuloy ang pagtaas ng presyo kabilang ang tubig, kuryente at gasolina.
Sa gitna nga raw ng nagpapatuloy na inflation at mga isyung kinakaharap ng bansa – bakit nga ba hindi sapat ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para ibsan ang pagsirit sa presyo ng mga bilihin?!
Dagdag pasanin ngayon ang hirit ng mga manufacturer ng Pinoy pandesal at Pinoy tasty na taas-presyo na posibleng aprubahan ng DTI ngayong buwan.
Bukod sa mga produktong tinapay, humiling din ang ilang manufacturers ng sardinas, noodles, gatas, kape, bottled water nang taas-presyo.
Ilang produkto na posibleng magtaas-presyo ngayong buwan:
Pinoy Tasty
Pinoy Pandesal
Noodles
Kape
Evaporated Milk
Sardinas
Bottled Water
‘’Itong mga manufacturer mayroon din silang mga employee, mayroon din silang mga benefit na ibinibigay. So, we also have to understand ‘yung side nila,’’ ayon kay Sec. Maria Cristina Roque.
‘’If ever magkaka-price increase always less than 5%,’’ saad nito.
‘’We should come up with something by the end of this month. Actually, anytime now,’’ dagdag nito.
Oras nga na mangyari ‘yan – sabi ni Arnold – tiyak na mahihirapan raw siya lalo’t ang mga nabanggit na produkto ay karaniwang takbuhan ng mga kababayan sa panahon ng gipitan.
‘’Yung binibili mo halimbawa na dalawa ay gagawin mo nalang na isa ganon para lang maka-survive,’’ saad ni Arnold Almonte na mamimili.