DAHIL sa malakas na pagyanig na naranasan kahapon dulot ng magnitude 7 na lindol ay idineklara ng LGU ng Vigan ang indefinite suspension sa heritage site nito na pangunahing pinupuntahan ng mga turista.
Ipinahayag ni Vigan City Mayor Jose “Bonito” Singson, Jr. ang indefinite suspension sa lahat ng pasok ng pampubliko at pribadong sektor.
Ang naturang hakbang ng alkalde ay upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa matapos ang nangyaring magnitude 7 na lindol sa Bangued, Abra kahapon ng umaga na kapareho namang naranasan sa Vigan City.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman ang mga residente at turista na huwag na munang bumalik sa kanilang mga tahanan o sa mga establisimyento lalo na yung mga nakatira sa ancestral house dahil sa patuloy na nararanasang aftershocks.
Maliban sa indefinite suspension sa lahat ng pasok pansamantala ring sarado sa publiko ang Heritage District at wala pang pinal na petsa kung kailan ito bubuksan muli sa publiko.
Sarado rin sa mga motorista ang ilang mga kalsada kabilang ang:
– A. Reyes cor. Liberation Blvd.
– Liberation Blvb. cor Plaridel St.
– Crisologo St. cor Silang St.
– A Reyes cor. Abaya St.
– Quirino Blvd. cor. Liberation
– Mabini St. cor. Quirino Blvd.
– Quirino Blvd. cor. Salcedo St.
– Gen. Luna St. cor. Quirino Blvd.
– Gen. Luna St. cor. V. Delos Reyes St.
– Encarnacion St. cor. V Delos Reyes St.
– Plaridel St. cor. Bonifacio St.
– Gen. Luna cor. A Reyes St.
Sa ngayon ay kaliwa’t kanan na ang ginagawang pagpupulong ng lokal na pamahalaan ng Vigan sa pangunguna ni Mayor Singson Jr. katuwang ang City Disaster Risk Reduction Management Council para i-asses ang nangyaring lindol.
Sa huling tala ng LGU Vigan ay nasa 50 pamilya na ang kanilang nailikas at nakatira ang mga ito sa dalawang evacuation center na inilaan para sa mga lubhang naapektuhan ng magnitude 7 na lindol.