NAGTIPON-tipon sa Monumento sa lungsod ng Caloocan ang mga miyembro ng grupong Manibela mula sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila.
Sabi ng grupo, kilos-protesta lamang anila ang kanilang ginawa at hindi tigil-pasada.
Pero kabaliktaran ito sa naramdaman ng mga pasahero.
“Nagmukha siyang strike kasi nga ang daming sumama doon sa protesta para sa panawagan na isuspend ‘yung PUVMP para rito sa mga may hinaing at hindi pa maliwanagan ng mga isyu lalong-lalo na sa korapsyon,” ayon kay Mar Valbuena, Chairman, Manibela.
Sabi ni Mar Valbuena, lider ng Manibela na asahan ng gobyerno ang pagpapahirap nila sa mga komyuter simula sa Miyerkules hanggang Biyernes kung kailan ikakasa nila ang malawakang tigil-pasada.
Kakalampagin din anila ang Malakanyang upang ipaabot kay Marcos Jr. na panahon na para isuspinde ang walang kabuluhang programa.
“Mas malala ang makikita natin. Mahirap man sabihin, mas malala ang makikita nilang paghihirap ng mga mananakay lalo na tuwing rush hours,” ani Valbuena.
Manibela: Ramdam namin ang malasakit sa panahon ni FPRRD kaysa sa administrasyong Marcos
Sabi ni Valbuena – bakit sa panahon noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay ramdam nila ang puso nito sa mga mahihirap kabilang na ang mga tsuper.
“Kung si PRRD kamay na bakal na ang ginamit niya noong panahong siya ang nanunungkulan pero ramdam natin noong mga panahon na ‘yun na nakakabiyahe pa rin tayo dahil sila ay may puso. Pero, ang administrasyon ngayon ay walang puso, walang malasakit sa taumbayan,” giit ni Valbuena.
“Kung ikukumpara ngayon sa ating Presidente mas may bayag pa si Vice President Sara Duterte. Mahal na Pangulo, magpaka-lalaki ka,” giit pa nito.
DOTr Sec. Bautista: Hindi epektibo ang ginagawang tigil-pasada ng Manibela
Kung si Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista naman ang tatanungin kung epektibo nga ba ang paulit-ulit na tigil-pasada ng grupo…
“Alam mo parang nasanay na tayo dito sa trend ng Manibela and nakita naman natin na ‘yung mga previous strike nila hindi naman masyadong nakaapekto sa ating mga mananakay,” ayon kay Sec. Jaime Bautista, DOTr.
Sagot naman ni Valbuena,
“Kung hindi effective ito, nagkalat ang mga sasakyan ng LGU. Ang truck ng LGU, ng MMDA para saluhin ang mga stranded na pasahero. Puro lang siya ngaw-ngaw hindi pa ito tigil-pasada pero nangangagat na kami.”
Pero, nanindigan ang DOTr na tuluy-tuloy ang gagawin nilang hulihan laban sa mga unconsolidated jeepney na bigong pumasok sa kooperatiba at paso na rin ang prangkisa para pumasada sa lansangan.
Ngunit, matatandaan na una na ring ipinahayag ng mga grupo ang pagtutol nila sa programa dahil sa sobrang mahal ng units at hindi rin malinaw ang mekanismo na pinagmumulan umano ng korapsiyon.