Ilang pork vendors sa Maypajo Market sa Caloocan, balik na sa pagtitinda

BUMALIK na sa pagtitinda ang iilang mga pork at chicken vendors dito sa Maypajo Public Market.

Sa pag-iikot ng Department of Agriculture at ng Caloocan LGU ay nakita nila na nasusunod naman ang price ceiling sa presyo ng pork at chicken products batay sa inilabas na exectuive order ng Palasyo.

Ayon kay Department of Agriculture-Bantay Presyo Coordinator, former Candaba Mayor Jerry Pelayo na kasama rin sa pag-iinspeksyon na nagagalak silang makita na walang lumalabag sa batas.

Subalit, malaking hamon pa rin sa mga nagtitinda ng karneng baboy ang price freeze.

Ayon sa mga vendor, kumikita naman  sila pero hindi pa sapat sa pang-araw-araw na pangangailangan kay humihiling ang mga ito na tulungan sila ng pamahalaan.

Sinabi ng mga tindero na dapat umanong pababain muna ang farm gate price para kahit papaano ay makabawi sila.

Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, bilang tugon sa kanilang mga hinaing hindi muna pagbabayarin ang mga meat vendors sa kanilang upa.

Nagpapasalamat naman ang mga nagtitinda sa tulong ng alkalde pero anila hindi pa rin ito sapat.

Samantala, inanunsyo naman ni DA Undersecreatry at BFAR Director Eduardo Gongona na bukas ay inaasahan na darating dito sa Metro Manila ang mahigit 1,400 ng buhay na baboy mula sa Soccsksargen Area, Region 10, 11 at 12.

Isasakay ang mga ito sa barko ng BFAR mula Lipata Port sa Surigao papuntang port ng Lucena.

Bahagi ito sa programa ng Department of Agriculture na mabigyan ng sapat  na suplay ng baboy ang lahat ng mga palengke dito sa Metro Manila.

Dagdag ni Undersecretary Gongona, sa pag-uusap nila ni Sec. William Dar ay libre lang na ipapagamit ang barko.

Ang barko na ito ay ginagamit sa pag-transport ng mga isda mula Mindando patungong Metro Manila ngunit ngayon ay gagamitin muna ito, para matugunan ang problema sa suplay ng baboy.

Kada apat na araw, may ipapadala na mga baboy sa Metro Manila.

Sa ngayon, nasa 12 trucks pa lang ang darating bukas sa Lucena Port kung saan nasa mahigit 1,400 baboy ang sakay nito.

Sa susunod, hindi lang 1400 ang darating, dodoble pa ito.

Sa isang barko, nasa 20 trucks ang puwedeng maipasok kung saan aabot ng 2800 na buhay na baboy ang sakay nito.

SMNI NEWS