INAMIN ni Sen. Francis Tolentino, isang reelectionist sa May 2025 senatorial race, na may pangamba siya sa epekto ng mga pre-election surveys sa pananaw ng publiko.
Sa ilang lumabas na survey, si Tolentino—na isang kandidato ng administrasyon—ay nasa labas ng “Magic 12.”
Gayunpaman, nananatili siyang positibo. Sa isang panayam sa Kapihan sa Senado, sinabi niyang itinuturing niya itong isang hamon at mas tututok na lang siya sa pagpapalakas ng kaniyang kampanya kaysa magpaapekto sa survey rankings.
Ayon sa kaniya, sa huli, ang mga tunay na boto pa rin ang bibilangin sa araw ng halalan, na nakatakda sa Mayo 12, 2025.
“Okay lang ‘yun. Challenge for me and all those who are similarly situated. Sa akin, ‘yung performance eh—ano ‘yung nagawa mo na at ano pa ang gagawin mo? ‘Yung mga taong nag-a-appreciate niyan, sa May 12 ‘yan makikita. The most important date is on May 12,” pahayag ni Sen. Francis Tolentino, Re-electionist
Ngunit nang tanungin pa kung nababahala siya sa resulta ng survey, inamin ni Tolentino na may pangamba siya rito.
“Concerned ka rin, syempre, kasi baka mind conditioning. Concerned tayo doon. At saka maraming taong concerned, hindi lang ako,” aniya pa.
Giit ni Tolentino, posibleng ginagamit ang surveys upang hubugin ang opinyon ng publiko—na maaaring paniwalain ang mga botante na may malinaw nang nangunguna at mawalan ng tiyansa ang iba pang kandidato.
Bagama’t tumanggi siyang magkomento sa mga espekulasyong may mga survey na inilalabas para paboran ang ilang kandidato, iginiit niyang ang tunay na laban ay sa araw mismo ng halalan.
Ang kaniyang pahayag ay muling nagpasimula ng mga diskusyon kung ginagamit ba talaga ang pre-election surveys bilang kasangkapan sa mind conditioning ng mga botante, ilang buwan bago ang Mayo 2025 elections.
Follow SMNI News on Rumble